NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“WE don’t have to reinvent the wheel, we just need to bring it to Davao City.”
Ito ang tahasang sinabi ni former Civil Service Chair at three-time Davao City representative Karlo Nograles kung saan target umano niyang magkaroon ng ‘Libreng Sakay’ program sa bilang solusyon sa dinadain na problema sa pampublikong transportasyon partikular sa hanay na daan-daang libong mag-aaral sa kanilang lungsod.
Sa isang panayam, sinabi ni Nograles na kapansin-pansin ang ang nararanasang hirap ng mga mag-aaral na makasakay papasok sa kani-kanilang paaralan, lalo na sa pag-uwi ng mga ito sa hapon at gabi.
“Humahaba ang pila sa hapon at gabi dahil mas konti na ang mga jeep na pumapasada. Kawawa tuloy ang mga estudyante,” malungkot na salaysay ni Nograles.
“Imbes na nasa bahay na sila, nag-aaral at nagpapahinga kasama ang pamilya, nasa labas pa rin sila dahil sa matagal na hintayan ng masasakyan. Araw-araw na pasakit ito na dapat bigyan ng agarang solusyon,” dugtong ni Nograles.
Ayon sa dating CSC chair, agad niyang inalam ang ugat ng problemang aniya’y bunsod ng “boundary system” sa pagitan ng operator at driver kung saan ang huli ay humihinto na sa pagbiyahe kapag naabot na niya ang nais na kita sa maghapon na pamamasadad at ibibigay na boundary sa una.
Kaya naman sinabi ni Nograles, na tulad ng ibang local government units (LGUs), kabilang ang Quezon City, nais niyang magkaroon ng ‘Libreng Sakay’ ang Davao City, lalo na kapag siya ang naluklok na alkalde.
Paliwanag ng dating CSC head, ang Davao City LGU ay maaaring bumili ng mga bus, na maaaring makaloob ng libreng sakay, o kaya’y magkaroon ng discounted o subsidized fares para sa mga estudyante sa partikular na oras.
“We can organize the routes based on time and motion studies, prioritizing areas where there is a concentration of educational institutions,” aniya pa.
Pagtitiyak ng dating mambabatas at isang abogado, hindi makakaapekto sa hanapbuhay ng iba pang nasa sektor ng public transportation ang libreng sakay na isusulong sa lungsod.
“These buses will not compete with the existing jeepney network but will only supplement it. We will fill in gaps in our local transport system and prioritize the need to safely bring our students home.”
Samantala, sinabi ng Davao City mayoralty aspirant na kanyang ipatutupad ang “solutions-based governance” sa pagtugon sa iba pang mahahalagang isyu sa pamahalaang panglunsod, kabilang na ang pagkakaroon ng automation system sa buong city hall at iba pang allied offices nito gaya ng pag-iisyu ng license at permit, data storage, pagkakaloob ng expanded medical assistance, at maraming iba pa.
