Ni Ernie Reyes
PORMAL nang sinimulan nina Senador Grace Poe at Nancy Binay ang imbestigasyon sa sunod-sunod na kapalpakan ng pamamahala sa pangunahing paliparan ng bansa, ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tuluyang nagpapalugmok sa industriya ng turismo.
Sa pagdinig ng Senate committee on public services ni Poe, kasama ang Senate committee on tourism ni Binay, kapwa kinuwestiyon ng mambabatas ang pamunuan ng CAB at Manila International Airport Authority (MIAA).
“Before this hearing takes off, I would like to thank the Chairperson of the Committee on Tourism, Senator Binay, for launching an investigation on this pressing matter which is also very much a public service issue,” ayon kay Poe na tumutukoy sa resolusyon na inihain ni Binay kaya nagkaroon ng imbestigasyon.
Sinabi ni Poe na tinatanggap na practice sa buong mundo ang overbooking, pero hindi ang sistematikong delay at kanselasyon ng biyahe.
“Five percent lang daw ang allowable overbooking ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB). Pero sa rami ng reklamo, siguro mainam na tanungin ang CAB kung may breach na ba sa threshold na ito at kung ano ang penalty na pinapataw nila dito,” ayon kay Poe.
Tinutukoy ni Poe ang overbooking ng ilang airlines kaya maraming pasahero ang hindi nakasakay ang schedule flights dahil maraming mas marami ang naibentang tiket kaysa sa upuan sa eroplano.
Inupakan din ni Poe ang dagdag-pasakit sa masalimuot na rebooking at refund process, at kawalan ng rightful compensation.
“Di rin nakakatulong ang mahirap na pakikipag-usap sa chat bots sa halip na customer service representatives, at help desks na wala rin namang crisis management personnel tuwing may aberya,” giit ni Poe.
“And just last week, when we all started looking at Philippine Airlines as the better option, pero nagkaroon din ng consequent delays, at Madam Chair, flagship carrier natin ay hindi rin immune dito; maraming rin pong mga naging reklamo tungkol dito. Dapat maayos ang serbisyo kahit na sale pa ang mga seat na ito,” paliwanag niya.
Sinabi ni Poe na hindi malulutas ang kanseladong biyahe ng rebooking o pagbabalik-bayad. “A cancelled flight could mean opportunity loss – a missed workday, botched business deals, school exams, important family occasions, or even a chance to say goodbye to a loved one. Time waits for no one.”
“Ano ba ang maaasahan nating solusyon dito – policy revision sa airlines o expanded Magna Carta for Air Passengers? Hindi lang naman airline ang may problema dito, pati rin po ang ating mga airport, at pati na rin ang pamamalakad ng DOTr, dapat din nating masusing malaman kung ano ba any kanilang mga ginagawa kasi minsan ang problema, hindi lang sa airline kundi ‘yung mga paliparan mismo,” ayon kay Poe.