MULING umapela si Aglipayan Church Bishop Alvin Valera kay Vice President Sara Duterte na sumipot sa huling impeachment hearing ng House Committee on Justice para sagutin at magsabi ng katotohanan sa kaliwa’t-kanang paratang.
Ayon kay Valera, halos lahat ng religious leaders sa bansa ay nag-aasam na marinig ang panig ng bise presidente hinggil sa inihaing impeachment complaints.
“If the respondent official has nothing to hide, she has nothing to fear and should prove her critics wrong,” wika ng Aglipayan bishop.
“At sa amin po sa simbahan ay hindi po matatawaran ang amin pong pananabik na malaman mismo sa bibig ng ating Pangalawang Pangulo ang katotohanan hinggil sa mga samot-saring katanungan sa kanya,” dugtong ng obispo.
Si Valera ay namumuno para sa kanilang grupo sa pagdalo sa isinagawang House–Church impeachment dialogue sa North Lounge Extension (NLEx) ng House of Representatives, na pinangasiwaan naman ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon.
Para naman kay Dr. Melba Maggay ng Institute for Studies in Asian Church and Culture, ang impeachment process ay dapat nakatuon sa pagkamit ng hustisya at pananagutan.
Nanawagan din si Maggay sa panig ng bise presidente na tigilan na ang pagsandig sa teknikalidad at gamitin sandata ang maling interpretasyon ng batas.
“Ang importante dito accountability, hustisya at sino man matatamaan ng ganyang bato dapat matuto to answer all the charges,” diin ni Maggay.
“Kay Vice President Duterte nakasalalay ang future ng bansang ito. Isipin natin kung ano mangyayari kung hindi natin kayang litisin ang mga malalaking tao sa ating lipunan. Sana po ito ay maging ehemplo, example,” aniya pa.
“You ferret out all of these technicalities. So tama na sana ‘yun. Bigyan na natin ng tuldok ito. Tuldukan na natin ‘yung mga technicalities. Answer substantively ‘yung mga charges. ‘Yan ang gusto naming mangyayari.”
