KINASTIGO ng isang kongresista ang umano’y taktika ni Vice President Sara Duterte at kabiyak na abogado sa hangaring makaiwas sa bulilyaso.
“Kitang-kita na ng taumbayan ang galaw: dalawang korte, isang layunin—magtago,” wika ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair at Manila Rep. Joel Chua sa aniya’y coordinated legal strategy ng matapos mabisto ang tagong yaman.
“Magkaibang korte ang tinatakbuhan, pero iisa lang ang gustong mangyari—pigilan ang paglabas ng katotohanan,” sambit ng kongresista.
Giit ni Chua, ang naturang diskarte ng kampo ng bise presidente ay nagbunga ng mas maraming katanungan.
“Sa halip na humarap sa Kongreso at sumagot sa ilalim ng panunumpa, puro press conference, social media statements, at pagtakbo sa korte ang ginagawa. Kung walang tinatago, bakit hindi harapin ang mga tanong ng direkta?”
Giit ng mambabatas, karapatan ng publiko na malaman ang official financial documents, kabilang ang rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), lalo’t kung ito’y magbibigay-linaw sa idineklarang yaman ng isang public official.
“Simple lang ang hinihingi ng taumbayan—ilabas ang AMLC at BIR records. Doon makikita kung saan galing ang pera at kung tama ang deklarasyon,” sambit ni Chua.
Nanindigan din si Chua na ang kinakaharap na impeachment charges ni Duterte at pagbusisi sa financial records kasama ang mister nito ay hindi usapin ng pulitika bagkus ay pagsusulong ng pananagutan o accountability.
“Hindi ito tsismis o haka-haka. Opisyal na dokumento ang pinag-uusapan. Kung malinis, bakit tinatakpan? Kung maayos, bakit pinipigilan?” tanong ng kongresista.
“Bilyon-bilyong piso ang pinag-uusapan. Saan nanggaling—at bakit kailangan itago?”
