ISANG linggo matapos dakpin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pinaniniwalaang espiya, isang panawagan ang hirit ng China Foreign Ministry sa Pilipinas — igalang ang karapatan ng arestadong Chinese national.
Sa isang kalatas, hiniling rin ni Mao Ning na tumatayong tagapagsalita ng China Foreign Ministry, na tigilan ang pagkakalat ng balita tungkol sa “Chinese spy.”
“The Chinese government, as always, asks Chinese nationals overseas to abide by local laws and regulations… We hope the Philippines will stick to the facts, stop shadow-chasing, stop peddling the so-called Chinese spy, and earnestly protect the lawful rights and interests of Chinese nationals in the Philippines,” wika ni Mao.
Una nang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pawang “military grade” ang mga nasamsam na kagamitan sa Chinese national na nadakip kasama ang dalawang Pinoy sa aktong pangangalap ng klasipikadong impormasyon na ipinapadala sa labas ng bansa gamit ang high-tech gadgets na nakumpiska sa operasyon.
Sa imbestigasyon, lumalabas na suspek na kinilala sa pangalang Deng Yuanqing ay isang espesyalista sa larangan ng “control engineering, automation and engineering discipline” na natutunan sa isang unibersidad na kontrolado ng People’s Liberation Army.
Taong 2013 pa umano nasa Pilipinas si Deng Yuanqing na ginawaran ng resident visa matapos pakasalan ang isang Pinay.
