SA kabila ng kabi-kabilang diplomatic protest, patuloy pa rin ang bansang China sa pagpasok sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone, ayon sa Philippine Navy.
Sa ulat na isinumite sa punong himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular na tinukoy ang pagpasok ng isang barkong pandigma sa karagatang malapit sa Panata Island na bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa Philippine Navy, Biyernes ng umaga nang maispatan ang pagpapatrolya ng Ma’anshan Jiangkai II-class frigate ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) na may bow number 525.
BAtay sa pagtataya ng Philippine Navy, nasa 4.6 nautical miles lamang ang layo ng barko ng China mula sa BRP Andres Bonifacio (PS17) dakong alas-7:40 ng umaga.
Ayon kay Armed Forces of the Philippine (AFP) Public Information Office chief Col. Xerxes Trinidad, tatlong beses nagbigay ng radio challenge ang Philippine Navy sa barko ng Chinese.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng AFP ang naturang barkong pandigma ng China habang nagsasagawa ng maritime patrol sa Kalayaan Group of Island. (EDWIN MORENO)
