Ni LILY REYES
SINAMPAHAN na ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos ireklamo ng negosyanteng di umano’y kinunan ng video habang ng nakikipagtalik sa kanya.
Batay sa salaysay ng biktima, lingid sa kanyang kaalaman na inirekord ng colonel ang kanilang pagtatalik sa panahong sila pa’y magkarelasyon. Ang naturang sex video aniya ay siya rin di umanong ginamit ng 52-anyos na PNP official sa pamba-blackmail sa kanya.
Kabilang sa mga asuntong inihain ng Ombudsman laban sa PNP colonel ang kasong ‘grave misconduct, gross immorality and prejudicial to the best interest of the service.’
Sa ilalim ng Executive Order No. 292 at 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, may kalakip na parusang dismissal from service ang ang kasong grave misconduct sa hanay ng mga taong gobyerno – kabilang ang pulis.
Nahaharap din sa hiwalay na kaso ang colonel sa Quezon City prosecutor’s office para sa psychological abuse sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Law, grave coercion, intriguing against honor and unjust vexation.
Swak din ang colonel sa paglabag ng mga probisyon ng RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act), RA 11313 (Safe Spaces Act), RA 10173 (Data Privacy Act) at RA 10175, (Cybercrime Prevention Law).
Sinabi ng biktima na paulit-ulit niyang sinubukang tapusin ang kanyang relasyon sa PNP Colonel mula pa Disyembre 2020, ngunit tinakot di umano siyang ilalantad ang mga naturang sex video kung makikipaghiwalay sa naturang PNP official.
