SA hangaring tuldukan ang agam-agam sa security of tenure ng mga government employees na pasok sa kategorya ng Contract of Service (COS) at Job Order (JO), inilatag ng Civil Service Commision (CSC) ang programang magtutulak itaas ang sa antas ng permanente ang mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, abot-kamay na ng mga COS at JO ang pangarap na maging permanente sa trabaho sa bisa ng tinatawag na Career Service Eligibility – Preference Rating (CSE-PR), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasama ang Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government DILG), at Commission on Audit COA), target ng ahensya palakasin ang kasanayan at kakayahan ng mga manggagawang COS at JO para makapasa sa mga pagsusulit na kalakip ng permanenteng posisyon sa gobyerno.
Paglilinaw ni Nograles, para lamang sa mga COS at JO na nakapagsilbi ng hindi bababa sa 10 taon at nakitaan ng kakayahan, kasanayan at dedikasyon sa trabaho ang CSE-PR.
Saklaw ng insyatiba ang mga manggagawang tinatawag na JOCOSC6 sa serbisyo ng gobyerno – kabilang ang mga indibidwal sa ilalim ng JO, COS, Casual, Contractual, Coterminous, mga empleyadong may hawak na Category III at Category IV na mga posisyon na nakasaad sa CSC Memorandum Circular No. 10 (series of 2013), at mga Career Service personnel na may first level eligibility.
“The CSC recognizes that many dedicated government employees, who have played a pivotal role in delivering public service over the years, do not possess the necessary civil service eligibility. Following the President’s directive, the CSC shall assist these qualified workers in various government agencies in their application for CSE-PR, enabling them to pursue plantilla positions,” ani Chairperson Nograles.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2301123 na inilabas noong Disyembre 7, 2023, ang Preference Rating ng maximum na 10 puntos ay dapat idagdag sa nabigong hanay ng rating (70.00 hanggang 79.99) upang makamit ang passing rate na 80.00 para sa mga kwalipikadong aplikante sa mga career service examination, para makapasok sa Career Service Professional o Sub-Professional Eligibility Status.
Batay sa panuntunan ng CSC, kailangang nakaipon ng hindi bababa sa 10 taon ng serbisyo sa gobyerno bilang JOCOSC6, kasama ang performance rating na hindi bababa sa Very Satisfactory o katumbas nito sa dalawang (2) pinakahuling panahon ng rating bago ang petsa ng aplikasyon para sa pagiging kwalipikado.
Panawagan ni Nograles sa mga JOCOSC6 na nais sumailalim sa CSE-PR, sumangguni sa official website ng ahensya – www.csc.gov.ph, para sa alituntunin.
