
TALIWAS sa akala ng marami, nananatiling banta ang peligrong dala ng COVID-19.
Sa pinakahuling datos ng Octa Research Group, pumalo sa 6.5% ang COVID-9 positivity rate (antas ng mga kumpirmadong positibo mula sa hanay ng mga sumailalim sa pagsusuri) sa National Capital Region (NCR) noong nakalipas na Linggo.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nakakabahala ang ang naitalang positivity rate sa NCR, kung saan aniya nakita ang mabilis na pagdami ng mga tinamaan ng nakamamatay na sakit.
Katunayan aniya, mula sa 4.4% na naitala noong Abril 1, humataw sa 6.5% ang positivity rate noong Abril 8 ng kasalukuyang taon.
Bukod sa NCR, pasok rin sa talaan ng mga lugar kung saan nakapagtala ng higit pa sa 5% positivity rate benchmark na itinakda ng World Health Organization (WHO) ang Benguet, Camarines Sur, Cavite, Cebu, Davao del Sur, Isabela, Misamis Oriental, Negros Occidental, Palawan, Rizal at South Cotabato.
Gayunpaman, kampante si Sec. Rosario Vergeire na walang dapat ikabahala ang publiko lalo pa aniya’t nananatiling mababa ang hospital utilization sa iba’t ibang panig ng bansa.