
MATAPOS matalo sa casino, ikinulong ng mga kapwa Intsik ang isang Chinese national na nangutang sa pag-asang makakabawi sa sinalihang sugal sa lungsod ng Parañaque.
Sa paunang ulat ng Tambo substation sa punong himpilan ng Parañaque City Police, kinilala ang biktima sa pangalang Zhou Qing na dinukot di umano makaraang mabigong bayaran ang inutang na kapital sa paniwalang makakabawi pa sa sugalan.
Sa imbestigasyon, piniit sa ng mga suspek na sina Wang Dingding, Ying Jian at Yong Jin Ong ang biktima noong Biyernes.
Habang nasa kustodiya ng mga inutangan, inutusan di umano ni Wang ang biktima na tumawag sa pwedeng kunan ng pambayad sa di binayarang P500,000. Ang tinawagan ng biktima – ang kasintahang Pinay na si Anne Rose Valenzuela Burca na agad naman dumulog sa himpilan ng pulisya.
Dito na nagkasa ng operasyon ang mga operatiba sa hindi tinukoy na casino resort at hotel sa Barangay Tambo ng naturang lungsod kung saan nasagip ang biktimang nakatakda na umanong ibenta sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Tinangka pa umanong ‘umareglo sina Jian at Ong sa mga kagawad ng pulisya.
Nahaharap sa kasong serious illegal detention ang tatlong Chinese nationals na kasalukuyang nakapiit sa Parañaque Police Custodial Facility.