
PITO katao ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos lamunin ng apoy ang kanilang tahanan sa magkahiwalay na insidente sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), unang tinupok ng apoy ang mahigit 60 kabahayan sa Sitio Bato-bato sa Kalye Rosario na sakop ng Barangay San Juan, dakong alas 9:45 ng gabi noong Sabado de Gloria.
Pagtataya ng imbestigador, papalo sa mahigit P2.5 milyon ang pinsala sa mga tahanan at mga ari-arian sa sunog na umabot sa ikatlong alarma at idineklarang fire out pasado alas 11:00 ng gabi.
Sa paunang ulat ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), nasa 150 pamilya ang apektado at pansamantalang nanunuluyan sa covered court sa naturang bayan.
Wala pang kalatas ang BFP Taytay sa pagkakakilanlan ng mga biktimang pumanaw at maging yaong nasugatan sa insidente.
Sa pagsisiyasat, nag-overheat na electric fan ang posibleng sanhi ng sunog.
Dakong ala 1:30 naman ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa Barangay Dolores ng nabanggit na lokalidad.
Wala naman nasaktan o nasawi sa ikalawang insidente ng sunog kung saan nasa 90 pamilya ang apektado.