INIUTOS ng Ombudsman ang pagsibak at pagsampa ng kaso kina Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista at Food Terminal Inc. Vice President John Gabriel Trinidad III dahil sa umano’y kuwestiyunableng pagbili ng mga sibuyas.
Kasong graft at falsification of documents ang inihahanda sa mga ito at 16 iba pa.
Gayunman, dinismis ang administratibo at kasong criminal laban kina DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, DA chief accountant Lolita Jamela, DA administrative officer Eunice Biblanians, FTI president Robert Tan, at FTI budget division head Juanita Lualhati dahil sa kawalan ng ebidensiya.
Nauna nang inakusahan sina Evangelista ng pagsangkot sa kahinahinalang pagbili ng sibuas at manipulasyon sa presyo nito.
Ito ang sinisi sa biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon.
Pumasok ang DA sa memorandum of agreement sa FTI para sa Kadiwa project kung saan gumawa ang FTI ng letter of agreement kay Bonena para sa delivery ng 8,845 sako ng sibuyas sa Kadiwa.
Gayunman, sinabi ng mga nagreklamo na walang sapat na proseso sa kung paanong napili ang kooperatiba na magus-supply ng sibuyas gayundin ang kuwestiyunableng advance payment ng 50 porsiyento sa contract price at kahinahinalang delivery ni Bonena.
Kasama ring kakasuhan nina Evangelista at Trinidad sina Israel Reguyal, Benedict Libres, Marlon Pagsisihan, Jocelyn Jane, Rossul Batadhay, Romy Jimeno, Charlito Ylanan, Francisco Laplana III, Arnold Osorio, Angelo Lajom, Randy Santos, Erickson Cortez, Ruben Bautista, Vince Lorenzo, Windell Glenn Canaan, at AJ Bamala.