Ni ESTONG REYES
UMAPELA si Senador Grace Poe sa mga employer na magbigay ng hiwalay na allowance at benepisyo sa kanilang manggagawa upang makatulong na matugunan ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Sa P100 legislated wage hike para sa mga minimum wage earners na pinagtibay ng Senado, kumbinsido si Poe na malaki ang maitutulong ng dagdag-allowance at bukod na benepisyo bilang tugon sa hindi maawat na galaw ng presyo ng iba’t ibang produkto at maging sa petrolyo.
“Hiniling natin sa employer na may kakayahan na magbigay ng supplementary allowances o benepisyo sa kanilang empleyado,” hirit ng senadora.
“Tiniyak ko na makakahanap ng pamamaraan ang mga negosyong tunay na nagmamalasakit sa kanilang manggagawa na maisagawa ang kinakailangang adjustments,” dagdag pa niya.
Para kay Poe, napapanahon na pagtibayin ng Kongreso (Senado at Kamara) ang isang legislated national wage hike na aniya’y huling nasilayan mahigit 35 taon na ang nakalipas sa bisa ng Wage Rationalization Act of 1989.
“Bagama’t may significant na pagtaas na ang minimum wage simula noon. Hirap maramdaman ito ng ating mga kababayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Para sa karamihan, kahit anong sipag at diskarte ay talagang di pa rin sapat,” litanya ni Poe.
Sa lumabas na pag-aaral ng IBON Foundation noong nakaraang buwan, lumalabas na kailangan ng isang pamilyang may limang anak sa Metro Manila ng halagang ₱1,193 kada araw para mabuhay – katumbas ng ₱25,946 buwanang kita.
“However, the existing minimum wage in the region is still pegged at ₱610 – o kalahati lamang ng wage standard,” giit ni Poe.
“Ano bang mabibili natin sa ₱610? Considering the food threshold, a family of five will need around ₱300 daily to meet the minimum basic food needs,” aniya pa.
“Pagkatapos ibukod ang ₱300 para sa pagkain, kakasya pa ba ang natitirang P310 na pambayad sa bahay, kuryente, tubig, medical care, edukasyon, transportasyon at komunikasyon, at operasyon sa bahay at personal care?”
“In the end, the labor sector is the backbone of our economy. Pagtulong-tulungan natin mabigyan ang ating mga manggagawa ng disenteng buhay ang kanilang pamilya.”
