Ni ESTONG REYES
SA halip na bibliya, rehas ang hihimasin ni dating presidential spiritual adviser Pastor Apollo Quiboloy, sa sandaling hindi sumipot sa pagdinig ng Senado kabi-kabilang alegasyon ng panghahalay at pagmamalupit sa mga babaeng kapanalig ng sektang pinamumunuan.
Para kay Senador Risa Hontiveros na tumatayong chairperson ng committee on women, children, family relations and gender equality, kailangan harapin ng founding leader ng Kingdom of Jesus Christ, Above All Name Inc., na nakabase sa Davao City ang mga kinakaharap na kaso.
Aniya, hindi din dapat maging pa-biktima ang lider dahil sa kabi-kabilang paratang ng mga kababaihan – kabilang ang mga Ukrainian women na di umano’y biktima rin ng panghahalay ni Quiboloy.
“Wag pong pa-victim,” ani Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na tanging hinihingi ng komite kay Quiboloy ay humarap sa legal na proseso ng batas saan aniya pwedeng pasubalian ng kontrobersyal na religious leader ang mga alegasyon.
“Ang hinihingi lang sa inyo ay humarap sa mga legal na proseso, kasama ang proseso ng Senate investigation. Wag niyo pong dalhin sa lenggwahe ng patayan, kahit yan ang nakasanayan niyo,” ayon kay Hontiveros.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa Marso 5, at kapag hindi dumalo si Quiboloy na napabalitang nagtatago sa China, kakasuhan ito ng contempt.
“Our next hearing is on March 5 and if Mr. Quiboloy does not show up, I will cite him in contempt and have him arrested,” pagtitiyak ni Hontiveros.
