
SA pambihirang pagkakataon, dalawang Kalihim ang mangangasiwa sa isang departamento, batay sa direktibang hudyat ng malawakang balasahan sa tanggapan sa loob mismo ng Palasyo.
Sa bisa ng Executive Order 16 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inatasan ang pagpapalawak ng saklaw ng Presidential Communications Office (PCO), kasabay ng pagpasok ni Presidential Adviser for Creative Communications Sec. Paul Soriano sa operasyon ng nasabing tanggapang pinamumunuan ni Sec. Cheloy Velicaria-Garafil.
Kabilang sa mga ahensyang ibinalik sa PCO ang kontrobersyal na APO Production Unit, National Printing Office (NPO), Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) at ang People’s Television Network (PTV-4).
Sa ilalim ng EO 16, kabilang rin sa mas malawak na saklaw ng PCO ang Presidential Broadcast Service – Bureau of Broadcast Services; Bureau of Communication Services; News and Information Bureau; Freedom of Information-Program Management Office; Philippine Information Agency; at Presidential Broadcast Staff-Radio Television Malacañang.
Batay sa pinalawak na responsibilidad, nakatakda naman magdagdag ng mga makakatuwang ni Garafil. Sa ilalim ng bagong EO, ang PCO ay pamumunuan ng Secretary (Garafil), limang Undersecretaries, 14 Assistant Secretaries at si Presidential Adviser Paul Soriano.
Tinokahan na rin ng kanya-kanyang trabaho ang limang Undersecretaries – Traditional Media and External Affairs; Digital Media Services; Content Production; Broadcast Production and Operations, Administration and Finance na batay sa EO ay obligadong magreport kay Soriano.