MAGANDANG balitang itinaon pa sa araw ng mga puso ang hatid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mga naulila ng 34 sabungerong magkakahiwalay na dinukot ang pinaniniwalaang pinatay isa’t kalahating taon na ang nakalipas.
Pagtitiyak ni CIDG chief Police Brig. Gen. Romeo Caramat, naging maingat at mabusisi ang kanilang ginawang imbestigasyon kung saan iisa lang di umano ang itinuturong responsable sa kabi-kabilang pagkawala ng mga sabungero mula sa Maynila, Laguna, Cavite, Bulacan, Batangas at Rizal.
Gayunpaman, tumanggi si Caramat na pangalanan ang sinasabing mastermind. Aniya, kailangan pa nilang kumalap ng mas maraming ebidensyang illakip sa kasong ihahain sa husgado.
“We have an idea of who but bilang primary investigating agency ng Philippine National Police ang CIDG, we don’t want na mag-file kami ng kaso na madi-dismiss lang,” ayon sa CIDG chief, kasabay ng pahayag hinggil sa napipintong pag-aresto sa ibang personalidad na sangkot sa naturang kaso.
“And we believe that these people are the ones who orchestrated all these cases and so kapag mahuli ito, lahat ng kaso, lahat ng case na iniimbestigahan namin ay maso-solve.”