
MATAPOS lumikha ng eskandalong yumanig sa Palasyo, hindi sinasadyang nahulog sa kamay ng pulisya ang itinuturong utak sa likod ng mga ‘fake appointments’ sa mga sensitibong pwesto sa gobyerno.
Sa isang pulong balitaan sa punong himpilan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, kinilala ang suspek sa pangalang Edward Diokno Eje na di umano’y nagpapakilalang Undersecretary sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ayon kay CIDG chief Brig. Gen. Romeo Caramat, dinakip si Eje na kilala rin sa pangalang Vaughn Vincent matapos tutukan ng baril ang isang rider sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Aniya pa, nagpakilala pang Undersecretary sa ilalim ng Office of the President si Eje, na nakunan din ng ID at baril sa kanyang mamahaling sasakyan.
Nang beripikahin, lumalabas na peke ang ID at walang dokumento ang baril na Eje, hudyat para agad na dakpin ng mga rumespondeng pulis.
Pagdating sa himpilan, doon na nabistong ang binitbit na si Eje ang pakay ng kabi-kabilang reklamo ng panloloko sa mga pinangakuan ng pwesto sa gobyerno kapalit ang malaking halaga ng pera.
Siya rin ang itinuturong nasa likod ng kahihiyan ng walong taong napaniwalang itinalaga at dapat sana’y manunumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong ika-27 ng Enero sa Palasyo.
Kabilang sa mga pwesto sa gobyerno na ipinangako ni Eje ang mga sensitibong posisyon Philippine Embassy sa Netherlands; Department of Transportation, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Clark International Airport Corporation, Early Childhood Care and Development Council, Clark Development Corp. at Port of Batangas.
Ayon sa reklamo, hiningan di umano sila ni Eje at isang nagpakilalang Assistant Secretary Johnson See ng Office of the Executive Secretary kapalit ng kursunadang pwesto.
Sa pagtataya ni Caramat, higit sa P1 bilyon ang nakulimbat ng suspek sa mga pinangakuan ng pwesto at mga negosyanteng kinunan di umano ng ‘advanced SOP’ para sa mga malaking proyekto.
“This is a joint Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) headed by Usec. Gilbert Cruz and CIDG initiated operations in arresting people behind an appointment for sale and government contract for sale scheme which has victimized dozens of people who lost nearly P1 billion to the scammers,” ani Caramat.
Todo tanggi naman si See, kasabay ng giit na maging siya man ay nabiktima rin ni Eje.