MATAPOS kumpirmahin ng Department of National Defense (DND) ang mensaheng pinaabot ng mga retiradong heneral, minabuti ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lumiban sa United Nations General Assembly na gaganapin mula Setyembre 21 hanggang 25 sa New York sa Estados Unidos.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez ang pag-atras ng Pangulo sa naturang pagtitipon ng mga lider mula sa iba’t ibang bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Gomez na itinalaga na umano ng Pangulo si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro bilang kahalili sa UN General Assembly.
“The President has delegated his engagements at the UNGA for the Secretary of Foreign Affairs to allow him to focus on local issues,” ani Gomez.
Para kay Marcos, mas matimbang kung siya mismo ang tututok sa mga usaping pambansa, kabilang ang malawakang kilos-protesta laban sa korapsyon.
Tikom naman ang bibig ni Gomez hinggil sa umano’y nakaambang kudeta. (LOUIE LEGARDA)
