HINDI tulad ng terminong kalakip ng isang halal na posisyon sa gobyerno ang pagiging lider ng senado.
Ito ang buod ng mensahe ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kaugnay ng usap-usapan sa umano’y panibagong ‘kudeta’ limang araw matapos masungkit ni Senador Tito Sotto ang pwesto ni dating Senate President Francis Escudero.
“The minority wants to be the majority but the majority never wants to be the minority. Not actively. May timing yan. Di ba kakaupo nila, syempre solid pa sila,” kantyaw ni Cayetano sa mga miyembro ng mayorya.
“Hindi pa namin napag-usapan sa minority na kung meron mang papalit, sino. Pumayag sila na ako ang minority leader,” dugtong ng mambabatas.
“Wala pang nag-uusap as a group kung sino ang SP [Senate President]. Kung may discontent sa labinlima, problema nila yan. Hindi namin problema yan. So sila nag-bring up. Tapos sila din babaril. Sila din magsasabing may plot. Eh sila nga nagpa-plot,” aniya pa.
Para kay Cayetano, walang dahilan para pakialaman ni Soto ang minorya.
“So we are minding our own business with all due respect Mr. Majority, mind your own business also. Huwag n’yong pakialaman ang minority, pakialaman niyo ang sarili niyong mga problema,” sambit pa ni Cayetano.
Nang tanungin kung wala silang nilulutong kudeta laban kay Sotto, sinabi ni Cayetano na, “There is always a possibility. So pag lumapit sa amin ngayon, apat, majority namin tatanggihan ba namin? Ni isang senador na majority, wala akong kinausap.” (ESTONG REYES)
