PARUSANG kamatayan ang giit ng isang senador para sa mga halal na opisyal ng gobyerno at pulis na mapapatunayan sangkot sa kalakalan ng droga.
Sa ilalim ng Senate Bill 2217 na inihain ni Senador Robin Padilla, target ng mambabatas – na aminadong dating nalulong sa ipinagbabawal na gamot – na amyendahan ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.
Partikular na puntirya ni Padilla ang pagsisingit ng probisyong death penalty sa mga alagad ng batas at elective officials na nakikinabang sa ilegal na kalakalan, maging yaong mga aniya’y tumanggap ng pinansyal na kontribusyon – o kahit pa donasyon mula sa mga drug traffickers.
Pasok rin sa isinusulong na amyenda ang diskwalipikasyon sa anumang pwesto sa gobyerno.
Lusot naman sa parusang kamatayan ang mga edad 70 pataas, batay sa inihaing panukala ni Padilla.