
TULUYAN nang binawi ng isa sa mga nakapiit na suspek ang testimonyang nagdadawit kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr. sa mga patayan sa lalawigan ng Negros Oriental.
Sa limang pahinang counter-affidavit, hayagang itinanggi ni Osmundo Rivero ang anumang kinalaman sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa sa Bayawan City noong Marso 4 ng kasalukuyang taon.
Pinuwersa lang din umano siya ng isang Atty. Jason Bandal ng Public Attorneys Office (PAO) na ituro si Teves bilang utak sa likod ng pamamaslang sa punong lalawigan – para hindi na masaktan.
Itinanggi rin ni Rivero na kilala niya si Marvin Miranda na kabilang sa mga kapwa akusado.
“Hindi totoo na may kilala akong Marvin. At hindi rin totoo na aking itinuro ang litrato ni Cong. Teves nang ipaturo sa akin sa apat na litrato sapagkat hindi ko siya kilala at kailanman ay hindi ko pa siya nakikita,” saad ni Rivero sa bagong salaysay.
“Hindi rin totoo na alam ko ang mga naging pagpaplano sa pagpatay kay Gov. Degamo at hindi rin totoo na pamilyar sa akin ang mga ginamit na baril at kasuotan dahil kailanman ay hindi ko ito nagamit o nakita,” dagdag pa niya.
Sa himpilan pa lang aniya ng lokal na pulisya kung saan siya dinala matapos dakpin, dumanas na siya ng matinding pagpapahirap ng mga pulis.
Kwento pa niya sa kanyang bagong salaysay, binalutan ng plastic ang kanyang ulo at saka sinakal gamit ang isang alambre – bukod pa sa kabi-kabilang tadyak at pagbabanta sa kanyang pamilya.