
MATAPOS paulanan ng bala at pasabugan ng granada, sinibak sa pwesto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang hepe ng Northern Police District – Drug Enforcement Unit Sibak sa pwesto bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Paglilinaw ni Lt. Col. Luisito Andaya na tumatayong tagapagsalita ng NCRPO, layon lamang ng direktiba bigyan-daan ang malayang imbestigasyon kaugnay ng insidenteng nangyari noong nakaraang Sabado.
Kabilang sa mga tinanggal sa pwesto si NPD-DEU chief Lt. Col. MichaeI Chavez, Major Dennis Odtuhan, at Sub-Station 4 commander Capt. Ivan Rinquejo.
Pask sa talaan ng sinisilip na motibo ang sa likod ng pagsalakay sa nasabing tanggapan ang pagdakip sa mga drug personalities kamakailan. Wala naman partikular na detalyeng hinggil sa pagkakakilanlan ng mga pinaniniwalaang nasa likod ng insidente.
Dakong ala 1:45 ng madaling araw noong Sabado nang ratratin ng di pa nakikilalang salarin ang harapan ng NPD-DEU. Pagkatapos magpaulan ng bala, pinasabugan ng granada ang entrada ang tanggapan.
Bagamat nag-iwan ng pinsala sa istruktura at nakaparadang sasakyan, walan namang naitalang namatay o nasaktan.
Samantala, ikinasa na rin ng Caloocan City PNP ang pagtugis sa mga suspek batay sa salaysay ng mga testigo.
Gayunpaman, tumangging pangalanan ni Caloocan Police chief Col. Ruben Lacuesta ang mga salarin hanggat wala sa kanilang kustodiya.