NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MAY mga nais gumiba sa integridad ng Kamara, ayon kay House Speaker Martin Romualdez, kasabay ng babala sa mga aniya’y nagtatangkang harangin ang paglabas ng katotohanan sa isinasagawang pagdinig sa tinawag niyang pekeng giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang talumpati, nanindigan si Romualdez na nasa tamang panig ng kasaysayan ang Kamara — “Sa mga nagtatangka na pigilan tayo sa paghahanap ng katotohanan at katarungan, isa lamang ang sasabihin ko sa inyo: Hindi kayo magtatagumpay sa masamang hangarin ninyo.”
“Dahil unti-unti na natin nakikita ang liwanag at katotohanan, asahan natin na lalo pang titindi ang pag-atake sa ating institusyon. Subalit hindi tayo matitinag. Hindi tayo papayag na muling bumalik ang panahon ng kadiliman at kasamaan,” dugtong ng lider-kongresista.
“We will not yield to intimidation or pressure. We will not be swayed by the attacks hurled against us. Instead, we will press on with even greater resolve, knowing that the people are behind us, that history will remember our courage, and that our efforts are guided by the principles of justice and integrity.”
Gayunpaman, walang iba pang detalye hinggil sa pagkakakilanlan ng grupo o indibidwal na nasa likod ng di umano’y demolition job na naglalayong kwestyunin ang integridad ng congressional inquiry ng quad committee ng Kamara.
