PARA kay Senador Alan Peter Cayetano, lubhang nakakabahala ang aniya’y patuloy na pagbaba ng produksyon sa isda sa bansa — isang suliraning mabibigyan ng karampatang solusyon kung may isang ahensyang nakatutok sa pagpapaunlad ng industriya ng pangingisda.
Panawagan ni Cayetano sa mga kapwa mambabatas, pagtibayin ang Senate Bill 417 na nagsusulong lusawin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at pagtataguyod ng panibagong kagawaran na tatawagin aniyang Department of Fisheries and Aquatic Resources.
Sa ilalim ng panukalang akda ni Cayetano, dalawa ang pangunahing mandato ng bagong departamento — pangangalaga at pamamahala ng yamang-dagat ng Pilipinas.
Base sa datos ng pamahalaan, nasa 45,472 metriko tonelada ng isda kada taon ang nawawala sa bansa sa nakalipas na isang dekada — isang ulat na nagdudulot ng pangamba sa food security at long term stability ng sektor.
Lumabas din sa isang pag-aaral na may capacity constraints ang BFAR dahil sa patuloy na pagbabawas ng empleyado mula 2017 hanggang 2023 sa kabila pa ng kinakaharap na hamon.
Ayon mismo sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kabilang sa pinakamahirap na sektor sa bansa ang mga mangingisda.
“The Philippines, being an archipelago with very rich marine resources, can be a marine powerhouse. Thus, it is logical to establish a Department that is focused and accountable for the development, management, and conservation of our country’s aquatic resources and fishing industries,” saad sa isang bahagi ng panukala ni Cayetano.
Sa ilalim ng SB 417, DFAR ang magiging pangunahing ahensya sa paggawa ng polisiya at regulasyon para sa sektor, na hiwalay sa Department of Agriculture na aniya’y tutok sa land-based farming.
“It is time that the government provides for a focused, specialised department responsive to the needs and concerns of the fisheries and aquatic resource industry,” wika ni Cayetano.
Layunin din ng panukala na labanan ang illegal fishing sa pamamagitan ng mas mahigpit na monitoring system,strict regulations, at mas maayos na koordinasyon sa mga law enforcement agencies at non-government organizations.
Inaasahan ding pag-isahin ng DFAR ang mga tungkulin na kasalukuyang hawak ng iba’t ibang ahensya tulad ng BFAR, Philippine Fisheries Development Authority, at mga programang pang-dagat ng Department of Environment and Natural Resources upang maiwasan ang dobleng trabaho at mapabilis ang serbisyo.
Bagama’t may iba pang panukalang nakabinbin sa Senado para tulungan ang mga mangingisda at protektahan ang municipal waters, iginiit ni Cayetano na mahalaga ang pagkakaroon ng isang ahensyang may malinaw na pananagutan upang maibalik ang sigla ng sektor.
“This will be a significant step in order to better protect, utilize, maximize, and conserve the nation’s marine resources as well as uphold the best interest of the fisherfolk.”
