Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI pwede ang pwede na, wika ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee, kasabay ng hirit para sa mas mataas na antas ng depensa sa mga dayuhang nais sakupin ang West Philippine Sea.
Ayon kay Lee, hindi angkop na ipagwalang-bahala ang magkakasunod na agresyon ng Chinese Coast Guard (CCG) sa loob pa man din aniya ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone (EEZ).
Para kay Lee, ang nararapat lamang na palakasin ang paninindigan at pagdepensa sa EEZ ng bansa.
Konektado rin aniya ang pagpupumilit ng China na angkinin ang buong West Philippine Sea sa kapakanan at kabuhayan ng mga mangingisdang Pinoy.
“Sa paggunita natin sa Araw ng mga Bayani, hindi sapat na inaalala lang natin ang kanilang mga dakilang ambag sa bansa, kundi dapat isinasabuhay din natin ang diwa ng kanilang pagmamahal at pagtatanggol sa ating bayan mula sa pang-aapi ng mga dayuhan,” pahayag ni Lee.
“Saludo tayo sa araw-araw na kabayanihan ng mga sundalo at mga kababayan natin na hindi natitinag sa pagpapatrolya sa ating teritoryo at sa paghahatid ng mga kinakailangang ayuda para sa mga kababayan nating apektado ang kabuhayan dahil sa paulit-ulit na panggigipit ng China,” dugtong ng mambabatas.
Tahasang sinabi ni Lee na “kung agrisibo sila (CCG), dapat mas agresibo tayo sa paninindigan. Hindi pwedeng sila na ang naka-agrabyado at nang-aagaw sa ating teritoryo, sila pa ang may ganang magprotesta laban sa atin at magpakalat pa ng kasinungalingan! Hindi ito katanggap-tanggap!”
Ayon kay Lee, labis siyang nababahala sa epekto sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino, na itinuturing na “food security soldiers,” sa tensyong dulot ng China.
“Bukod sa kaligtasan ng ating mga sundalo at unipormadong hanay, matagal nang naiipit sa tensyon sa WPS ang kabuhayan at buhay ng ating mga mangingisda na hindi dapat ipagwalang-bahala. Apektado nito ang kita ng libo-libong pamilyang Pilipino, pati na ang inaasam nating food security,” aniya pa.
Nauna rito, inakda ni Lee ang House Bill 9011 o ang “Fishing Shelters and Ports Act”, kung saan iminungkahi niyang magtayo ng fishing shelters at ports sa siyam na maritime features sa West Philippine Sea, gayundin sa bahagi ng Philippine Rise.
Bukod dito, inihain din niya ang House Resolution 1957 na humihimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na sagutin ang diplomatic protest na inihain ng China laban sa Pilipinas, alamin ang pananagutan at pinsalang idinulot sa pambabangga at pag-water cannon ng CCG sa mga barko ng bansa at magtalaga ng isang tagapagsalita na siyang kakatawan sa gobyerno sa isyu ng West Philippine Sea.
