Ni ESTONG REYES
SA takot matanggalan ng lisensya bilang abogado, inamin ni Atty. Elmer Galicia na hindi personal na nanumpa si pinatalsik na Bamban Mayor Alice Guo sa counter-affidavit na isinumite sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kasong human trafficking.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate subcommittee on justice, hayagang pinuna ni Sen. Risa Hontiveros si Galicia sa pagnonotaryo ng counter-affidavit ni Guo kahit wala naman aniya sa kanyang tanggapan ang taong nakatala sa sinelyuhang dokumento.
Una nang iginiit ng kampo ni Guo na nasa Pilipinas pa rin ang puganteng mayor. Katunayan pa ani Atty. Stephen David, nanumpa pa sa harap ng notaryo publiko noong Agosto 14 si Guo sa tanggapan ng panyerong si Galicia.
Pag-amin ni Galicia, isang alyas Allan di umano ang lumapit sa kanya para magnotaryo.
“Magpanotaryo si mayor.”
Nang hingan ng pagkakakilanlan, tanging driver’s license lamang ang ipinrisinta ng isang babaeng nagpakilalang Alice Guo.
“Kung meron man pong pagkakamali on my part na ma-identify na si Alice Guo, hindi ko alam kung siya o hindi, basta nagpakita ng ID, hindi ko alam kung siya talaga yun o hindi… sa ngayon hindi ko na masabi kung siya talaga ang nakita po pero hawig po,” aniya.
“Tinanong ko po kasi siya eh, Mayor Alice Guo? Sabi niya sa akin, Alice na lang po. Yung po ang sabi niya sa akin,” dugtong pa ng abogado.
Inamin din ni Galicia na hindi na bumaba sa sinasakyang kotse ang nagpakilalang Alice Guo – bagay na lalo pang nagpainit ng ulo ni Hontiveros – “Paano namumpa si Guo kung nananatili siya sa kanyang sasakyan?”
“Hindi na po siya nanumpa sa akin,” tugon ni Galicia.
Tinuligsa rin ni Senador Joel Villanueva ang abogado sa notaryadong dokumento kung saan aniya malinaw na nakalimbag ang “subscribed and sworn na ang ibig sabihin ay sa harap mismo ng abogadong nagnotaryo.”
