SA gitna ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, iminungkahi ng isang mambabatas ang pagtatakda ng mas detalyadong hangganan ng teritoryong sakop ng Pilipinas kaugnay ng Mutual Defense Treaty (MDT).
Hirit ni Senador Francis Tolentino, angkop rin aniyang ipasok sa 1951 MDT ang mga probisyon laban sa cyber-attack.
Sa isang panayam, hayagang iginiit ni Tolentino – na tumatayong vice chairman ng Senate Foreign Relations Committee – ang soberanya ng Pilipinas sa isinasagawang joint military exercise ng mga tropang Amerikano at sundalong Pinoy.
“Kung ako po ang mag a-amendya nito… hindi lamang sa metropolitan territory, sa land mass island territory (ng Pilipinas) sa Pacific Ocean, mayroon pang iba. Kung liliwanagin po iyan, pwede pong idagdag: where it exercises sovereign rights,” aniya.
Para kay Tolentino, malaking bentahe sa Pilipinas kung isisingit ang probisyong – “any attack on a place where it exercises sovereign rights (for both parties) would trigger MDT.”
“Yung where effects on the exercise of sovereign rights, pwede siguro pag-usapan para maliwanag na kapag inatake tayo sa ating exclusive economic zone, ay pasok na pasok sa Mutual Defense Treaty as amended,” aniya.
Paniwala ni Tolentino, lubhang mahalagang ipasok ang binanggit na probisyon lalo pa’t patuloy ang tensyon sa South China Sea region, partikular sa pinagtatalunan karagatan – ang West Philippine Sea.
“Malaking bagay po iyon na alam natin na-nandyan sila (US). So sa halip na gumatos po tayo ng malaki para ma-improve yung sandatahang lakas, mayroon tayong kaalyado na handang tumulong.’’
Iginiit rin ng senador ang paglalaan ng mas malaking kompensasyon para sa mga host local government units (LGU) sa ilalim ng Visiting Forces Agreement VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) – at hindi sa 1951 Mutual Defense Treaty.
“Dagdagan at i-klaro rin ang maitutulong sa pamahalaang lokal na magho-host – siguro dapat matulungan sa kanilang educational system, magtayo ng eskwelahan, at kung mayroong kapabilidad na magtayo ng maliit na ospital kasi marami namang mga doktor ang sandatahang lakas ng Estados Unidos,’’ dagdag niya.
Hiniling din ni Tolentino na isama ang “cyber-attack provision sa ilalim ng MDT.
“Kasi kung magkaroon ng cyber-attack sa banking system natin, collapse po lahat yan – armed attack din po iyon. Kapag inatake din po yung mga government institutions po natin gaya nung nangyari na may data leak sa National Bureau of Investigation (NBI), ay considered as armed attack din po iyon.”