SA gitna ng matinding alinsangan dala ng panahon ng tag-init, nanawagan ang mga magulang ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan na ikonsidera ang paggamit ng aircon sa mga silid-aralan.
Katwiran ni Parent-Teachers Association Federation President Willy Rodriguez, mas makakatipid ang gobyerno kesa tatlong bentilador ang paganahin sa loob ng mga classrooms.
Gayunpaman, hayagang tinabla ng Department of Education (DepEd) ang mungkahi ni Rodriguez bunsod anila ng limitadong budget.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, may iba pa naman aniyang solusyon sa sitwasyon sa mga paaralan – kabilang ang ‘calendar change’ at ang pagbabalik implementasyon ng modular distance learning system.
“Of course…we have fiscal restrictions sa budget. Napakarami pa, hindi lang aircon ang problema natin, napakarami pa nating mga dapat paggastusan sa ating mga classrooms,” ani Poa.
Dagdag pa ng DepEd spokesperson, binigyang-laya na rin ng kagawaran ang pamunuan ng mga paaralan na magdesisyon sa suspensyon ng klase kung kinakailangan.
Tugon naman ni Rodriguez, hindi ang pabago-bagong petsa ng pagbubukas ng klase ang solusyon, gayundin ang modular learning system na laman ng memorandum order ng naturang departamento ang solusyon.
“Ang isang solusyon diyan ay hindi calendar change, hindi rin modular. Ang solusyon diyan, magkaroon tayo ng air-conditioned classroom for public schools. Kung makikita niyo, walang reklamo ang ating mga private schools,” ani Rodriguez.
Kung pagbabatayan aniya ang aktwal na konsumo, mas mababa pa ang katumbas na singil ng isang inverter type na air-conditioning unit kumpara sa tatlong bentilador na karaniwang mayroon ang isang silid-aralan.