“LADIES and gentlemen, the Quad Comm has started to uncover a grand criminal enterprise, and, it would seem that at the center of it is former President Duterte,”
Ito ang ibinulalas ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop na tumatayong senior vice chair ng quad committee hinggil sa aniya ay paunang natuklasan ng kanilang komite matapos ang 13 pagdinig sa Kamara.
“Napakasakit po nito dahil lahat tayo nabudol,” wika ng kongresistang abogado at nagsilbi sa mahabang panahon sa Philippine National Police (PNP) hanggang sa magretiro sa ranggong heneral.
Ayon sa mambabatas, ginamit umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersyal na giyera kontra droga para ikubli ang dambuhala subalit ilegal na negosyong kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng gobyerno, sistematikong korapsyon, at international drug syndicates.
Ani Acop, ginamit ng mga pinaka pinagkakatiwalaan opisyal ng administrasyong Duterte ang tinawag niyang “purse and sword” para sa magpayaman at isulong ang interes sa pulitika.
“It is most unfortunate, however, that the Sword was used to slit, stab, and slash the very people it swore to protect — We the People — and the Purse was used not to benefit the Republic, but to line the pockets of the few. Nilunod nila ang bayan natin ng droga, at kumita dahil dito,” pahayag pa niya
“Worse, they served as key figures in ensuring that large volumes of illegal drugs slip right through our borders. Saan ngayon si Col. Acierto? Nakatago dahil gusto siyang patayin ni former President Duterte,” dugtong ng Antipolo solon.
Sa kanyang presentasyon, binalikan ni Acop ang insidente ng smuggling ng droga noong 2017 at 2018, na tinawag niyang “Tale of Two Shipments.” Partikular na tinukoy ng kongresista ang dalawang kontrabando – isang nagkakahalaga ng P6.4 bilyon at isa pang katumbas ng P3.4 bilyong drogang pinalusot sa Manila International Container Port.
Ang mga testimonya mula sa mga pangunahing saksi—ang negosyanteng si Mark Taguba at dating Customs intelligence officer na si Jimmy Guban—ay nagbigay-detalye kung paano di umano’y nagmaneobra ang anak ni Duterte na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte; manugang at asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases “Mans” Carpio; at si former presidential economic adviser Michael Yang.
Pagsisiwalat nina Taguba at Guban, ang mga kargamento ay nakalusot sa inspeksyon sa pamamagitan ng tara system—isang malalim at sistematikong suhulan sa loob ng Bureau of Customs (BoC).
“Paano po ito nakalusot? It’s a crack in our system—a crack in the Bureau of Customs. The tara system—grease money—allowed shipments of dangerous drugs to pass through without X-rays or inspections,” himutok ni Acop.
Si Yang, na higit na kilala sa pagiging “super-close” sa dating Pangulo ang lumitaw na pangunahing tauhan sa imbestigasyon ng House Quad Comm.
Una ng ipinresenta ni Acierto ang mga detalyadong ulat na nag-uugnay kay Yang sa isang organized drug trafficking network kasama ang kanyang mga kasosyo na sina Allan Lim (kilala rin bilang Lin Weixiong) at Johnson Co.
Ayon sa mga ulat, ang mga operasyon ni Yang ay mula sa pag-angkat ng droga hanggang sa pangangasiwa ng distribusyon at money laundering.
Ipinakita sa matrix ni Acierto ang isang “end-to-end” drug enterprise na kinabibilangan ng mga precursor shipments, manufacturing, at distribution sa buong Pilipinas.
Ipinakita rin sa mga testimonya ang koneksyon ni Yang sa 2004 Dumoy laboratory raid sa Davao City, kung saan natagpuan ang mahigit 100 kilo ng high-grade na shabu na nagkakahalaga ng P300 milyon—ang pinakamalaking drug bust noong panahong iyon.
Samantala, inilarawan naman ng iba pang mga saksi na humarap sa Quad Comm probe ang reward system na nakapaloob sa madugong giyera kontra droga ni Duterte.
“Every kill was compensated, and the bigger the ‘catch,’ the higher the pay,” ani Acop.
Pinatunayan ni Police Col. Jovie Espenido, na kilala bilang poster boy ng oplan tokhang
ang mga gantimpala ay maaaring umabot ng hanggang P100,000 para sa bawat pagpatay.
Kinokondena ni Acop ang umiiral na reward system, na pangunahing tinarget ang mga laboratory at chemist, na naging daan sa pagpasok ng mga imported na drogang namayani sa merkado.
“It also led to countless extrajudicial killings—over 30,000 deaths, according to data,” dagdag pa niya.
Isa sa mga pinaka-explosibong pahayag ay ang alegasyon ng Quad Comm na maaaring si Duterte mismo ang nasa gitna ng operasyon ng droga.
Sa kanyang affidavit na isinumite sa International Criminal Court, inilarawan ni dating police officer Arturo Lascañas si Duterte bilang “Lord of All Drug Lords,” at inakusahan ng paggamit ng kanyang kampanya laban sa droga bilang kasangkapan upang alisin ang mga kakompetensya habang pinoprotektahan ang mga pangunahing tauhan sa drug industry.
Si Lascañas, ang self-confessed hitman at dating miyembro ng Davao Death Squad, ay nagpatunay na si Duterte mismo ang nag-utos sa mga pagpatay sa mga drug chemists at mga manggagawa na sangkot sa Dumoy laboratory.
Sa sinumpaang salaysay ni Lascañas, nagbayad di umano si Duterte ng hanggang P500,000 para tanggalin sa landas ang iba pang sagabal sa negosyo.
Hindi rin aniya pwedeng isantabi ang paulit-ulit na pagkakasangkot nina Yang, Lim, Johnson Co, at iba pang malapit sa dating pangulo ng bansa — mula sa Dumoy laboratory raid hanggang sa Empire 999 Realty warehouse sa Pampanga.
“Madami at paulit-ulit na ang lumilitaw na koneksyon ni Michael Yang sa business ng droga,” ani Acop. “Pero sa gitna ng isang state policy called the ‘war on drugs,’ wala pa ring nakakagalaw laban sa kanya.”
Tinapos ni Acop ang kanyang presentasyon sa pangakong pananagutin ang mga may kasalanan.
“Mahirap po ang trabaho natin dito sa Quad Comm. Walang gustong bumangga sa isang popular na dating Presidente. Pero kami po, tulad niya, ay halal ng taong-bayan,” saad ni Acop.
Iginiit niya, na ipagpapatuloy ng Quad Comm ang kanilang imbestigasyon sa 2025, na may layuning itama ang mga pagkukulang sa sistema at tiyakin ang katarungan para sa mga biktima ng giyera kontra droga.
“We will leave no stone unturned.” (Romeo Allan Butuyan II)
