
“TALAGANG mag-ama nga sila. Si anak, nagbanta na ipapatay ang Presidente at Speaker. Si ama naman, gusto ipapatay ang mga senador.”
Ito ang mariing pahayag ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Partylist kasabay ng pagkondena sa bulalas ni former President Rodrigo Duterte na patayin ang mga pambato ng administrasyon para makapasok ang mga kandidato ng PDP-Laban.
Ani Acidre, ang binitawang salita ng dating pangulo ay sumasalamin sa mga naunang banta ng bise presidente laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez, na isa sa pangunahing batayan ng impeachment proceedings laban sa anak ng former Davao City leader.
Giit ng Tingog partylist lawmaker, hindi dapat palampasin ang isinapublikong pagbabanta na aniya’y itinuturing na krimen sa ilalim ng umiiral na batas sa bansa. Pilipinas.
“Hindi biro ang pagbabantang pumatay ng opisyal ng gobyerno—kahit pa sabihin nilang joke lang. Nakakatakot yan kasi nagpapalaganap ng kultura ng karahasan, pinahihina ang demokrasya, at sinisira ang batas. Sa isang demokratikong bansa, hinahalal ang mga pinuno, hindi pinapatay. Kapag ang mga dating o kasalukuyang opisyal mismo ang nagbibitaw ng ganitong klaseng salita, parang sinasabi nilang okay lang gumamit ng dahas imbes na pag-usapan nang maayos ang hindi pagkakasundo,” paliwanag ni Acidre.
“Bukod diyan, hindi lang ito basta padalos-dalos na salita—krimen ito sa ilalim ng batas. Ang pagbabanta sa mga opisyal ng gobyerno ay maituturing na inciting to sedition o grave threats, at may kaakibat na parusa. Hindi puwedeng balewalain ito kasi nagdadala ito ng tunay na banta sa seguridad, at napipilitan ang gobyerno gumastos at magpakilos ng pulis at militar para tugunan ang banta, kahit pa sinasabi nilang biro lang ito,” dagdag ng mambabatas.
Sinabi ni Acidre na ang pahayag ng dating pangulo ay maaaring lalo pang magpatibay sa isa sa mga articles of impeachment laban sa kanyang anak. Isa sa mga pinadalang articles of impeachment sa Senado ay nag-aakusa kay Vice President Sara Duterte ng pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa mga pabigla-biglang pahayag na nagbanta sa seguridad ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Isinama sa reklamo ang isang live broadcast noong Nobyembre 23, 2024, kung saan hayagang sinabi ni VP Duterte na may inihanda siyang mamamatay-tao sakaling may mangyari sa kanya.
Ayon sa impeachment complaint, anuman ang intensyon, hindi dapat nagsasalita ang pangalawang pangulo ng mga pahiwatig ng pagbabanta laban sa nakaupong Pangulo at iba pang matataas na opisyal. Ang ganitong mga pahayag ay nagpapahina sa katatagan ng gobyerno at nakakasira sa tiwala ng publiko sa ehekutibong sangay. Lalo pang lumala ang pangamba nang tumanggi si Duterte na linawin ang kanyang mga pahayag sa mga sumunod na panayam at pagdinig, na nagpalakas sa hinalang posibleng destabilization effort laban sa administrasyon.
“’Yung kampo ng mga Duterte, parang sila na mismo nagbabaon sa sarili nila. Remember, just recently, the National Bureau of Investigation has recommended filing criminal complaints against VP Duterte for inciting to sedition and grave threats related to her statements about arranging an assassin. Her father’s remarks just add salt to the wounds,” ani Acidre.
Kamakailan lamang, inihayag ni NBI Director Jaime Santiago na ang mga reklamo ay naisampa na sa Department of Justice (DOJ), na magpapasya kung ibabasura o isusulong sa korte ang kaso. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)