
NANINDIGAN si reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi niya ikahihiya na mabahiran ng dugo ang kanyang kamay kung para naman mapuksa ang mga kriminal at tiyakin ang kaligtasan ng mga mabubuting mamamayang Pilipino.
“Kung yung aking mga kamay ay may bahid ng dugo, hindi ko po yan kinakahiya. Kung yung aking mga kamay ngayon ay may bahid ng dugo, dugo ng masamang tao,” pahayag ni dela Rosa sa kick-off rally ng PDP-Laban para sa 2025 midterm elections.
“Kung kinakailangan na madumihan ng dugo ng masamang tao ang aking kamay para protektahan ang buhay ng mga matitino, mababait, at mga law-abiding citizens, gagawin ko po yan. Itaga niyo po sa bato,” tugon ni dela Rosa sa patutsada ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Oplan Tokhang ng nakalipas na administrasyon.
“Wala namang ibang involved d’yan sa tokhang kundi ako, ‘di ba? Kaya with all due respect, sasagutin ko lang po,” sambit pa ng dating hepe ng pambansang pulisya.
Ayon kay dela Rosa, ang banat sa kanilang mga tumatakbo sa senatorial race sa ilalim ng PDP-Laban ay pagpapakita lamang na siya ay hindi basta-basta lamang na panig ng oposisyon.
“Wala nang ginawa kundi puro pagtira nang tira sa atin. Tahimik nga kami. We were giving you the moment. Sa inyo na ang February 11 at sa amin ang February 13. You have the moment. Pero bakit tayo tinitira? Ibig bang sabihin takot sila sa atin,” anang reelectionist senator.
“Isa lang na indicator yan. Kasi kung insignificant opposition tayo, bakit ko pakialam kung sino sino yan sila. Bahala kayo d’yan. Mga insignificant kayo. Pero the mere fact that no less than the President of the Philippines ang tumira, ibig sabihin, we are somebody, ‘di ba?”
Hindi rin pinalusot ni dela Rosa ang banat ni Marcos sa hanay ng mga kandidato ng PDP na “animo’y pinabili o nagbebenta lamang ng suka” kaya walang mga karapatan kumandidato sa pagka-senador.
“‘Wag natin maliitin yung mga nagtitinda ng suka dahil hindi po bawal mangarap ang nagtitinda ng suka na maging senador. Ako’y nagtitinda ng suka pero nakapag masteral degree ako, nakapag-doctor of philosophy ako, naging chief PNP pa ako at ngayon naging senador pa,” bwelta ni dela Rosa.
“Kaya sa mga nagtitinda ng suka d’yan malaki ang tsansa niyo na magiging senador… Sige lang tawagin niyo lang kami ng team suka… basta ang importante kami ang nagpapasarap sa ulam ng mga taong mahihirap,” pagtatapos ng senador.