SUPORTADO ng pamunuan ng Kamara ang unified ID system na isinusulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa gitna ng patuloy na pagkalat ng mga pekeng Persons With Disability (PWD) cards.
Para kay House Speaker Martin Romualdez, higit na angkop sawatain ng pamahalaan ang sindikato sa likod ng mga pekeng PWD cards, kasabay ng panawagan sa DSWD na paspasan ang plano sa hangaring wakasan ang panloloko sa mga negosyo sa bisa ng pribilehiyo sa hanay ng mga taong may kapansanan.
Bukod sa panloloko sa mga negosyante, target din ng unified PWD ID ibalik ang tiwala ng publiko sa batas na nagbigay-diskwento hindi lang sa mga PWDs kundi maging sa senior citizens at iba pang abang sektor ng lipunan.
Dapat rin aniyang “secure,” episyante at hindi basta-basta makokopya ang pinag-isang PWD ID system — “Ang pekeng PWD ID ay hindi simpleng pandaraya — ito ay pagnanakaw sa mga tunay na may kapansanan at sa negosyong sumusunod sa batas. Kailangang wakasan natin ito ngayon na.”
Pag-amin ng lider ng Kamara, lumikha ng agam-agam ang mga negosyanteng nalulugi dahil sa paggamit ng mga pekeng PWD ID. Bukod sa mga negosyante, lubha rin aniyang apektado ang hanay ng mga tunay na PWD.
“Tuwing may isang mandaraya, nagdurusa ang lahat—ang negosyong nag-aambag sa ekonomiya at ang PWDs na kailangan dumaan sa panghuhusga at pagdududa. Hindi ito makatarungan,” giit niya.
Sa isang banda, ikinatuwa ni Romualdez ang inisyatiba ng DSWD na magkaroon ng pinag-isang ID system na may pinahusay na seguridad, tulad ng RFID, na repormang matagal na aniyang ipinatupad sa ilang lugar.
“Walang silbi ang bagong sistema kung matagal at mahirap ang proseso para sa mga tunay na may kapansanan. Dapat madali para sa mga lehitimong PWD pero imposible para sa mga manloloko,” dugtong ng lider-kongresista.
Para mapanatili ang integridad ng PWD ID system, tinutulak ni Romualdez ang dagdag na security measure gaya ng QR code mga tamper-proof na verification feature, na naipatupad na ng ilang mga lokal na pamahalaan para labanan ang pamemeke.
Samantala, nanawagan din ang lider ng Kamara para sa mas mabigat na parusa laban sa mga indibidwal at sindikato na sangkot sa paggawa at paggamit ng pekeng PWD ID.
“Dapat tapusin na natin ang kultura ng ‘palusot’ sa Pilipinas. Ang paggamit ng pekeng PWD ID ay hindi maliit na kasalanan — ito ay pananamantala sa mga tunay na nangangailangan,” paglalahad niya.
Sinabi ni Speaker Romualdez na naghahanda ng katuwang na lehislasyon ang Kamara para matiyak ang nationwide standardization ng PWD ID issuance, mas mahigpit na validation protocols, at mas mataas na parusa para sa mga manloloko.
“Hindi lang ito tungkol sa bagong ID—ito ay tungkol sa pagpapatibay ng integridad ng ating social programs. Sisiguraduhin natin sa Kongreso na may matibay na batas na susunod ang lahat, lalo na ang mga nagmamanipula ng sistemang ito.”
“Ang tamang panahon para umaksyon ay ngayon. Gawin nating mabilis, patas, at ligtas ang bagong PWD ID system—isang sistemang tunay na naglilingkod sa nangangailangan, gumagalang sa negosyo, at nagpapalakas sa tiwala ng publiko sa ating batas,” pagtatapos ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
