PARA sa isang eksperto sa larangan ng politika, hindi malayong sumanib na rin sa koalisyon ng administrasyong Marcos ang mga miyembro ng Liberal Party bilang paghahanda sa muling pagsabak sa halalan sa Mayo ng susunod na taon.
Ayon kay Dr. Edna Co, dating dean ng University of the Philippines (UP) National College of Public Administration and Governance, walang permanenteng kaibigan, kaaway o hangganan sa larangan pulitika.
“Yung pulitika, generally, hindi siya guhitan ng linya, kung hindi pagsasama-sama ng mga alyansa ng mga partido at ng mga ibang posibleng political players, upang sa gayon maging mas mabigat ang iyong laban,” wika ni Co sa programang “Anong Ganap?” ng Teleradyo Serbisyo ng ABS-CBN.
Paliwanag ng propesor, kabilang sa nakikitang pwedeng magbuklod sa oposisyon at administrasyon ang usapin sa West Philippine Sea tulad na lang ng nangyari sa 2022 general elections kung saan namayagpag ang tinaguriang UniTeam – alyansa ng apat na malalaking partido sa bansa.
Gayunpaman, hindi naman lahat pwede aniyang kupkupin ng alyansang binubuo ng administrasyon.
“Naghahanap sila ng paraan kung paano magsasanib, magkakaisa. Basta ang goal is ‘paano kami mananalo’, pero hindi totoo sa substance na political party ito — napaka-fluid,” aniya pa.
Kabilang sa posibleng makaalyansa ng koalisyon ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Lakas-CMD ang Liberal Party.
Paliwanag ni Co, maraming pagkakatulad ang tatlong partido – kabilang ang posisyon sa foreign policy, partikular sa isyu ng West Philippine Sea.
“Yung pagtawid sa ibang bansa para sa kooperasyon, that’s a very Liberal agenda,” ani Co, kasabay ng giit na taliwas ang naturang estilo sa polisiya ng administrasyong Duterte na limitado sa bansang China ang pakikipag-ugnayan.
“In fact, nag-extend ng kamay ang administrasyon para tingnan ang mas malapad na unity sa ibang bansa.”
Patunay aniya ng malamig na foreign policy ni Duterte ang pagpapalayas ng mga ambassadors mula sa European Union at ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement sa Estados Unidos.
“Palagay ko, bukas yung daan para magkaroon ng alyansa,” ani Co na kumbinsidong pabor sa Liberal Party ang alyansa para makasungkit ng panalo sa 2025 midterm election.
“Napakahalaga na suriin ng LP, anong batayan, anong isyu ang nakikita nila sa liberal agenda na dinadala din ng UniTeam,” aniya pa.
