Ni EDWIN MORENO
SA kabila pa ng ordinansang nagbabawal sa pagala-galang alagang aso’t pusa, patuloy ang pagdami ng mga naitalang kaso ng rabies sa baybaying bayan ng Angono sa lalawigan ng Rizal, ayon kay Vice Mayor Gerardo Calderon.
Sa datos ng lokal na pamahalaan, nasa 80 kaso ng rabies ang naitala ng Municipal Health Office kada araw sa mga nakalipas na linggo.
Sa dami ng insidente ng kagat ng aso, aminado si Calderon na kinakapos na ng supply ng bakuna kontra rabies ang lokal na pamahalaan.
Bilang tugon sa limitadong supply ng anti-rabies vaccines, lumikha ng isang polisya ang lokal na pamahalaan sa bisa ng programang “Two-Plus-One,” gamit ang isang uri ng bakunang katumbas ng tatlong turok.
“We are adopting Two-Plus-One… ibang klase ng bakuna gagamitin natin. Yung unang turok equivalent ng three doses. Yun ang sagot namin,” wika ni Calderon.
Sa hangaring isulong ang pagiging responsableng pet owner, bahagi ng polisiya ipasagot sa may-ari ng nakakagat na aso o pusa ang mga susunod na turok.
“We are trying to instill discipline sa mga fur parents. Dapat responsable rin sila,” dagdag ng bise-alkalde, kasabay ng giit na hindi naging pabaya ang lokal na pamahalaan na aniya’y patuloy ang pag-iikot sa 10 barangay para ipabatid ang umiiral na ordinansa at mga kaugnay na programa.
Pwede naman aniyang ipasyal ang mga alagang hayop sa Angono Pet Park na sadyang itinayo para sa mga tinawag niyang “fur babies.”
Sa mga nakalipas na panahon, sagot ng Department of Health (DOH) ang supply ng anti-rabies vaccines. Gayunpaman, tuluyang ipinasa sa mga lokal na pamahalaan sa bisa ng probisyon ng devolution na kalakip ng Local Government Code of 1991.

Panawagan ni Calderon sa mga may alagang hayop — responsibilidad ng mga fur parents alagaan at tratuhin ng tama ang mga alagang aso’t pusa, kasabay ng paalala hinggil sa parusang kalakip na nakasaad sa ilalim ng Republic Act 9482 (Anti-Rabies Act of 2007).
Sa ilalim ng naturang batas, P2,000 multa ang parusa sa mga ayaw pabakunahan ang mga alagang hayop, habang P10,000 naman ang penalty sa sakaling makakagat ang alagang asong di pa naturukan ng anti-rabies vaccine.
Sa mga pet owners na tumalikod sa responsibilidad, P25,000 multa ang atas ng batas, habang P500 naman sa sandaling masilo ang mga alagang pakalat-kalat sa lansangan.
