TULOY na tuloy na ang pagbili ng Pilipinas ng 12 fighter jets mula sa South Korea, ayon sa Department of National Defense (DND).
Sa kalatas ng ahensya, partikular na target ng DND ang FA-50 Block 70 Light Combat aircraft.
Ayon sa pamunuan ng DND, pinirmahan na ang purchase order sa Korea Aerospace Industries Ltd $700-million procurement deal.
Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na hindi sabay-sabay dadalhin sa Pilipinas ang mga makabagong eroplanong pandigma. Inaasahan naman anilang ganap na mapapasakamay ng Pilipinas ang 12 FA-50 Block 70 Light Combat aircraft bago sumapit ang 2030.
Ang FA Block 70 ay isang latest evolution ng FA-50 na may advance avionics feature, modern radar system at extended operational range na angkop sa kakayahang idepensa ang teritoryo ng bansa.
Ito na ang ikalawang batch ng pagkuha ng Phil Air Force ng fighter jets matapos ang unang 12 order ng FA-50 noong 2014 sa halagang $337 milyon.
Sa naturang bilang, 11 na lang ang naiwan matapos ang magcrash ang isa noong Marso sa Mt Kalatungan na ikinasawi ng 2 piloto. (EDWIN MORENO)
