DAPAT lang, giit ng isang senador sa desisyon ng bagong Kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na suspindihin ang implementasyon ng “No RFID, No Entry” policy sa mga expressway.
Sa isang pahayag, hinikayat ni Senador Lito Lapid na panatilihin ang suspensyon sa “auto-debit” ng RFID system na aniya’y madalas doble ang kaltas sa mga motoristang dumadaan sa mga expressway sa Luzon.
Ito rin aniya ang isa sa mga dahilan ng pagbagal sa daloy ng trapiko pagdating sa mga toll gates ng expressway. Madalas din na umano nakakaranas ng pagsisikip ng trapiko sa tollways si Lapid dahil sa hindi agad nababasa ng scanner ang RFID stickers na nakakabit sa mga sasakyan.
“Sa ating obserbasyon, hindi nagtutugma ang nakakabit na RFID kaya madalas din hindi nababasa ng sensor sa toll gates. Marami rin ang insufficient o nauubusan ng load dahil hindi alam kung may balanse pa kapag nag e-exit sa tollways,”wika ni Lapid.
Ayon sa senador na uwian araw-araw sa Pampanga, mas makakabuti kung pag-aralan ng Toll Regulatory Board, DOTr at toll operators ang aniya’y unified RFID system sa lahat ng tollways para sa mas mabilis at maginhawang byahe ng mga motorista.
Hirit ng senador, mas modernong RFID system sa lahat ng toll roads.
“Kaya, napapanahon na maging mas moderno at iisa na lang ang RFID na gagamitin ng mga motorista upang mas episyente at maiwasan na ang aberya sa mga toll gate,” dagdag ni Lapid.
Bukod sa “anti-poor,” hindi rin aniya makatarungan ang pagpapatupad ng dalawang toll road operators ng ‘cashless-only’ toll collection policy at pagpataw ng mula sa mga motoristang wala RFID sticker at kapos ang load na pambayad sa toll gate.
“Nagdodoble rin ang bayad ng motorista kung maubusan ng load ng di namomonitor at kung magbabayad ng cash,” pahabol ni Lapid.
Nakatakda na sanang ipatupad ang cashless transaction sa RFID ng Autosweep at Easytrip sa South Luzon Expressway at North Luzon Expressway ngayong buwan. (ESTONG REYES)
