
MARAMI ang pwedeng mangyari sa bawat araw ng pagkaantala ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Manila Rep. Joel Chua, na kabilang sa inatasan tumayong tagausig sa panig ng Kamara.
Partikular na tinukoy ni Chua ang aniya’y posibilidad ng panghihimasok o pagbabago sa mga ebidensya at pananakot sa mga testigo upang mapahina ang impeachment case.
Sa isang press briefing sa Kamara, tinanong si Chua kaugnay ng inilabas na timeline ni Senate President Francis Escudero, kung saan itinakda sa Hunyo 2 ang pagtalakay ng senado sa impeachment case na isinampa ng Kamara noong nakalipas na buwan.
“Well, siyempre, nirerespeto po natin yung ating Senate President but kami naman po kasi kaya namin gusto na itong impeachment ay masimulan na dahil alam din ninyo tinitingnan din po namin yung mga ebidensya na nakalap namin ay yung tampering of evidence, isa po yan,” babala ni Chua.
Binigyang-diin din niya na ang matagal na proseso ay maaaring magdulot ng pangamba sa mga testigo.
“Pangalawa po, yung mga testigo po natin syempre alam po natin baka mamaya pag tumatagal ay medyo ay marami po diyan ang matakot habang tumatagal po ang trial,” dagdag pa niya.
Naglabas si Escudero ng impeachment trial calendar, kung saan itinakdang muling magbubukas ang sesyon ng Senado sa Hunyo 2, magko-convene bilang impeachment court sa Hunyo 3, at magsisimula ang paglilitis sa Hulyo 30—halos limang buwan matapos ihain ng Kamara ang mga articles of impeachment.
Binigyang-diin ni Chua na nais ng House prosecutors na agad nang simulan ang paglilitis upang mapanatili ang integridad ng ebidensya at matiyak na ang mahahalagang testigo ay handang tumestigo.
“Kaya po gusto na rin po namin ito masimulan,” giit ni Chua.
Nang tanungin kung pormal na hihilingin ng Kamara sa Senado ang mas maagang petsa ng paglilitis, sinabi ni Chua na patuloy pa ang pag-uusap sa hanay ng prosecution panel.
“Well sa ngayon ang pwede po naming gawin ay makiusap. At the end of the day, siyempre nire-respeto po namin kung ano po ang pananaw ng mga senador lalo na po ng ating Senate President,” aniya pa.
Dagdag pa niya, maaaring ikonsidera ng prosecution panel ang pagsulat ng pormal na liham upang ipaalam sa Senado ang mga panganib ng pagkaantala sa paglilitis.
“Pag-uusapan po namin iyan ng mga kasama natin, bat ‘yun lang binanggit ko po ‘yan dahil ‘yan po ay isa sa mga kino-consider namin at ang mga worries po ng mga House prosecutors,” ayon kay Chua.
Nauna nang sinabi ni Escudero na maaaring hindi makapag pokus ang ilang senador sa impeachment trial dahil sa ibang gawain sa ibang bansa at kawalan ng interes sa pagdinig.
Iginiit naman ni Chua na ang impeachment ay isang tungkulin ng Kongreso alinsunod sa 1987 Constitution.
“Well naiintindihan po namin yung concern ni Senate President but at the end of the day this is a constitutional mandate, ito po ay obligasyon na ipinataw po sa atin ng bayan,” ani Chua.
Binigyang-diin din niya na sa kabila ng nalalapit na halalan, nananatiling nakatuon ang mga miyembro ng House prosecution panel sa kanilang tungkulin sa impeachment process.
“Sa amin naman po kami naman po ay ginagampanan po namin yung obligasyon din po namin ayon sa ating saligang batas,” dagdag niya.
Ipinunto rin ni Chua na tulad ng mga senador, may mga tungkulin din sa eleksyon ang mga House prosecutors, ngunit patuloy nilang tutuparin ang kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas.
“Kami rin po meron din kaming mga kampanya na tinutugunan sa kanya-kanyang distrito pero at the end of the day, we have to do our job as mandated by the Constitution.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)