DISKUMPYADO ang Malacañang sa donasyong ibinahagi ng mga umano’y espiya ng China sa Philippine National Police (PNP).
Sa press briefing sa Palasyo, ibinahagi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang plano ng gobyerno — magkasa ng mas malalim na imbestigasyon sa motibo at kasunduan sa likod ng donasyon.
Pasok din sa target talupan ng Palasyo ang mga senior PNP officials na posible aniyang nagsilbing padrino ng mga dayuhang sabit sa paniniktik sa bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na hindi masamang tumanggap ng donasyon kung hangad ay tumulong ng walang anumang kapalit – anggulong nais silipin ng administrasyon.
“Walang masama kung tatanggap tayo ng donasyon if it’s done in good fate. So, kung ito naman pala ay parang ibinigay pero mayroong kakaibang dahilan for that kailangan po nating imbestigahan yan,” wika ng abogado.
Bukod sa PNP, pasok din sa sisilipin ng Palasyo ang mga local government units (LGU) na tumanggap ng donasyon mula sa mga hinihinalang dayuhang espiya.
Panahon aniya ng pandemya maraming natanggap na ambulansya at mga sasakyan ang Davao City mula sa China.
“Sa panahon ng pandemya, nabalitaan po din natin na maraming natanggap na ambulance, mga sasakyan tama ba o ambulansya especially Davao City. Parang maraming naibigay ang China sa Davao City sa panahon po ni Mayor Sara at that time.”
