
AMINADO ang Department of Health (DOH) na kakapusin ang supply ng bakuna kontra pertussis.
Sa isang panayam sa telebisyon, hayagang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na hanggang Mayo na lamang ang stock ng pertussis vaccines.
Gayunpaman, nilinaw ni Herbosa na buwan ng Marso pa nagsimulang makipag-ugnayan ang DOH sa mga pentavalent vaccines na inaasahang darating sa bansa sa loob ng apat na buwan.
“June pa siya dadating… magkakaroon tayo ng shortage sometime in May so ito yung ina-address naming gap,” wika ng DOH chief.
“Baka mag-order ako ng another yung old vaccine… kasi yung pentavalent kasi ang vaccine kapag inorder mo, atsaka pa lang nila ima-manufacture yan so may lag time,” dugtong pa niya.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, pumalo na sa 890 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng pertussis.
“Forty-nine kids have died because of pertussis since January, kids as young as weeks-old up to under five. Although may cases reported na above 5 years old, majority or about 80 percent are 5 years old and below,” aniya pa.
Sa sandaling dumating ang bakuna, problema din aniya ang vaccine hesitancy, partikular sa mga kanayunan. Katunayan aniya, pang-apat ang Pilipinas sa talaan ng mga bansang may pinakamababang bilang ng mga bakunado – bagay na sinisi ng Kalihim sa mga di umano’y ispekulasyon sa social media.
“Nagkaroon ng hesitancy. Part to blame for the hesitancy is social media kasi ang nakita namin ay science is being fought by pseudo-science. Takot sila sa side effects ng bakuna so kulang lang sa information.”