
SA hangaring isulong ang interes ng mga pangkaraniwang manggagawa, nagpahayag ng kahandaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-ugnayan at makipag tulungan sa Senado para mapagtibay ang panukalang umento sa hanay ng mga obrero.
Partikular na sesegundahan ng DOLE ang Senate Bill 2534 na nagsasaad ng P100-wage dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Pag-amin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, mandato ng kagawaran ipatupad at gamitin ang mga umiiral na batas at mga mekanismo para tugunan ang panawagang dagdag-sahod sa gitna ng walang puknat na taas presyo sa mga pangunahing bilihin sa merkado – bukod pa sa nakaambang panibagong increase sa pasahe.
Para kay Laguesma, angkop lang na irespeto at kilalanin ng DOLE ang kapangyarihan ng Kongreso para magpasa ng batas, kasabay ng alok sa Kongreso ng tinawag niyang “technical inputs” mula sa kanyang departamento.
Ani Laguesma, higit na kailangan maging bahagi ang DOLE sa usapin ng umento, batay na rin sa Republic Act 6727 na lumikha sa mga Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPB) na siyang nagtatakda ng mga “minimum wage increases” sa mga rehiyon.
Sa kasalukuyan, 15 sa 16 RTWPBs ang nakapagpalabas na ng wage orders sa pagtaas sa minimum wages mula noong Hulyo 2023. Tanging ang Davao region na lamang ang hindi nakakapag palabas ng direktibang umento bunsod na rin aniya ng patuloy na dayalogo sa pagitan ng mga manggagawa at employers.
Sa datos ng DOLE, nasa 4.1 milyong minimum wage earners sa pribadong sektor na ang direktang nakinabang sa pinagtibay na umento sa 15 rehiyon, habang nasa 8.1 milyon pang regular na manggagawa ang inaasahang madadagdagan ang sweldo sa bisa ng isinasagawang pagtutuwid sa “wage distortions”.