HINDI umubra ang angas ni Davao City Rep. Paolo Duterte kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Sa isang kalatas, hayagang kinastigo ni Luistro ang kongresistang kapatid ni Vice President Duterte kaugnay ng patutsada sa “isang miyembro ng komite” na nambabarako umano sa mga kongresista para suportahan ang impeachment charges laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Luistro, ang alegasyon ni Davao City congressman ay bunga lang ng imahinasyon.
“In as far as I am concerned, I beg to disagree with that. Wala po akong na-encounter na tumatawag na sinuman maging sa akin o sa aking chief of staff concerning the support to this impeachment process,” wika ni Luistro sa isang panayam sa telebisyon.
Giit ni Luistro, walang pinapanigan ang komite sa isinagawang impeachment hearings. Katunayan aniya, mahigpit na sinunod ng komite ang panuntunan sa impeachment proceedings na nakatuon sa ebidensya.
“And I wish to add that in my capacity as chair, we cannot stand for either party. We stood for the process. During the clarificatory hearing of the Justice Committee, impartial tayo, independent tayo because we acted as investigators in a proceeding akin to a preliminary investigation,” paliwanag ni Luistro.
“The mandate is very simple: to determine whether or not probable cause exists,” dagdag niya.
Ginawa ni Luistro ang pahayag bilang sagot sa panibagong litanya ng kampo ng Duterte na nagsabing may ilang staff ng mga kongresista ang tinatawagan para impluwensyahan ang posisyon sa impeachment.
Tuluyang tinapos ng komite ang pagdinig matapos pagbotohan ang “probable cause” para i-impeach ang bise presidente base sa dalawang reklamong isinampa laban sa pangalawang pangulo.
Sa botong 53 pabor at walang pagtutol, idineklarang may “probable cause” ang paglilitis kay VP Sara.
“After the voting yesterday, nanalo na ang probable cause, as a matter of fact it was a unanimous vote. Now I can officially say that the Justice Committee has a stand, and the stand is for probable cause.”
