PARA kay Senador Alan Peter Cayetano, napapanahon nang isulong ng pamahalaan ang pagsasaayos ng Clark City sa Pampanga para magsilbing bagong industrial hub na sasalo ng mga papasok na kapitalista.
Sa isang panayam kasunod ng pagdalo sa pagtitipon ng Young Entrepreneurs in Pampanga, binigyang-diin ng Cayetano ang kahalagahan lumikha ng isang bagong metropolis lalo pa aniya’t wala na halos paglagyan ang mga bagong negosyo sa Metro Manila.
Giit ng senador, sapat, wasto at modernong imprastraktura para sa Clark City para makilala bilang “alternative industrial destination.”
Kasabay aniya ng promosyon, dapat isulong ang komprehensibong programa para sa transportasyon, turismo at iba pang negosyo.
“It’s not a matter of how we can have another Singapore, Bangkok, or BGC, but how we [embrace] the uniqueness of Clark,” wika ni Cayetano, kasabay ng panawagan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Tourism (DOT), Philippine Sports Commission, at Department of Trade and Industry (DTI) na makibahagi sa pagsusulong ng Clark City bilang “prime destination.”
Aniya, nasanay kasi sa Metro Manila ang marami sa biyaherong mula sa Visayas at Mindanao na nagpupunta sa Luzon.
“Kasi default kung ano ang komportable, at ang komportable ay sa Manila pa rin. So kailangan [intentional] ang approach natin sa [pag-promote sa] Clark at sa other areas of development,” dagdag ng senador.
Kumbinsido rin ang mambabatas na mainam na lugar ang Clark City para sa malalaking pagtitipon, kabilang ang mga paligsahan sa larangan ng palakasan.
“Sa sports, the next three years, anong pwede natin i-host? Sa conventions, economic or political, what can we host in Clark?”
Bilang halimbawa, binanggit ng senador ang BGC na dati, kinakailangang i-promote nang husto para makilala, pero kalaunan ay naging automatic na destinasyon ng marami.
“It’s just like BGC. Noong una, ganoon kami, ‘Punta naman, dito naman kayo.’ Nung uso na siya, hindi mo na kailangan sabihin. Lahat, automatic nang pumunta doon,” anang mambabatas na tubong-Taguig.
Hindi rin dapat kaligtaan i-promote ang Clark International Airport.
“Noong unang point-to-point from Manila to here, ang daming mga young people dito (Clark International Airport) na sumakay papuntang Singapore, Hong Kong, Japan kasi mas mura and convenient. So that’s what I’m saying: We have to be intentional.”
Iminungkahi rin ni Cayetano ang pagkakaroon ng mabilis at mainam na mass transportation papuntang Clark. Madalas kasi aniyang reklamo ng karamihan ay malayo ang Clark sa Metro Manila.
“Kung may railway from, let’s say, BGC papuntang Clark, mas matagal pa ako mag-drive mula sa bahay ko papuntang NAIA kaysa sumakay ng train from BGC to Clark. Ang problema, wala pa,” aniya pa.
May tinatayong North-South Commuter Railway (NSCR) na inaasahang magpapaikli ng byahe mula Muntinlupa papuntang Clark International Airport subalit naantala ang proyekto dahil sa isyu sa right-of-way.
“May mangyayari sa Pampanga, may mangyayari sa Central Luzon. Puno na ang Metro Manila.” (ESTONG REYES)
