MATAPOS kumpirmahin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pagkakaroon ng milyong-milyong drug payout, target ni Batangas Rep. Gerville Luistro magsagawa ng hiwalay at malalimang imbestigasyon sa bank transactions nina suspected drug lords Michael Yang at Sammy Uy.
Ayon kay Luistro, mayroong mga pangalang nabanggit sa milyon-milyong payout, “mga pangalang hindi basta-basta makakalimutan. Names like Michael Yang and Sammy Uy.”
“These are not ordinary names, lalo na dahil napakalaking pera ang pinag-uusapan. At base sa pahayag ni Senator Trillanes, merong pahiwatig na isang pattern, isang sistema,” dugtong niya.
Para sa Batangas solon, hindi pwedeng balewalain na lamang ang nabunyag na bulilyaso — “dapat magkaroon pa ng mas malalim pa na imbestigasyon.”
“Kailangang tukuyin ang buong lawak ng network na ito—kung sino ang sangkot, paano gumalaw ang pera, at saan ito nagmula,” ani Luistro.
Ngayong kumpirmado na aniaya ang matagal nang alegasyon ni Trillanes na koneksyon ng mga sinasabing drug lords sa pamilya Duterte, higit na angkop alamin ng kongreso ang mas malalim na katotohanan.
Sa isinagawang clarificatory hearing ng Justice committee noong Abril 22 kaugnay sa kinakaharap na impeachment complaints ni Vice President Sara Duterte, pinagkumpara ang ebidensyang hawak ni Trillanes sa official records ng AMLC.
“Pumili ng mga transaksyon—at lahat ng ito ay kinumpirma: 18 out of 18. Labing-walo sa labing-walo. Pero nang binilang muli—19 out of 19 pala. Hindi ito tsamba. Hindi coincidence. Ito ay kumpirmasyon,” giit ni Luistro sa resulta ng nasabi nilang pagdinig.
“Dati, parang tsismis lang. Ngayon, may official record na. At nang mag-match ang mga paratang ni Senator Trillanes at ang official record—lalo pang luminaw ang katotohanan,” aniya pa.
“Sa madaling salita: SALN. AMLC. At ang paliwanag ni Senator Trillanes — isa lang ang direksyong tinuturo.”
