HINDI na maisasalba pa, kaya’t nararapat nang ibasura ng Department of Tourism (DOT) ang kontrobersyal na tourism campaign na nabuo mula sa sa pinagsama-samang stock footages sa ibang bansa.
Ganito ang pananaw ni Senador Nancy Binay matapos manindigan ang DOT na ituloy ang “Love the Philippines” campaign slogan sa kabila pa ng mga batikos hinggil sa ginawang pangongopya ng advertising agency na kinontrata ng naturang kagawaran.
Hiling ni Binay na tumatayong chairman ng Senate committee on tourism, na ibalik ang dating campaign slogan ng ahensya – “It’s more fun in the Philippines” na bukod sa kilala na sa buong mundo ay makakaiwas pa sa malaking gastusin sa pagbabago ng slogan.
“Tourism is a sensitive market. Political unrest, negative media, and people’s perceptions influence travelers’ decisions. Dahil nga sa nangyari, headline na tayo sa buong mundo. Naging laughing stock na ang slogan, at masyado nang tinamaan ang campaign. Nakakalungkot dahil sa unang tapak pa lamang, imbes na umarangkada ay umatras tayo,” ayon kay Binay.
“Kung meron pang ilalabas na [television commercial] ang DOT, it is not wise to gamble dahil inaabangan na ng netizens ang susunod na ‘Love’ iterations para gawan ng spoof. Ang recommendation is to revert to the tried-and-tested campaign, and from there gumawa na lang ng tactical marketing plan para maiwasan ang window na isabotahe,” giit niya.
Aniya pa, maaaring maganda ang slogan sa papel, pero masyado nang nabugbog.
“The DOT’s enhanced campaign has lost the persuasion game. We all can sense the discombobulating algorithms which carry promotion-limiting consequences. The campaign has lost its redeeming value and has become unsalvageable – I hope the DOT is level-headed enough to accept this,” ayon kay Binay.
Naniniwala rin ang senadora na mas mabilis na makakamove-on ang DOT kung tatanggapin ang kapalpakan sa tinagurian niyang unang salvo.
“We don’t want the slogan to become a national embarrassment and look like losers. Again, huwag nang ipilit. Hindi masama ang magkamali. LOVE was not meant to be. Let us all move on and just bring back the FUN to the Philippines,” ayon kay Binay.
Samantala, sinuportahan naman nina Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara at Christopher Lawrence “Bong” Go si Tourism Secretary Christina Frasco sa gitna nang palpak na campaign slogan nito sa turismo.