
SA gitna ng patuloy na pananahimik ng ehekutibong sangay ng gobyerno, umalma ang ilang miyembro ng Senado ang anila’y panibagong insidente ng pambabarako ng China sa mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglalayag sa West Philippine Sea para sa isang supply mission.
Partikular na pinalagan nina Senador Jinggoy Estrada at Risa Hontiveros ang pagtikad ng Chinese Coast Guard sa sasakyang dagat ng Pilipinas na nasa West Philippine Sea para dalhan ng pagkain at gamot ang mga sundalong Pinoy na nakahimpil sa Ayungin Shoal.
Sa unang pahayag, sinabi ni Hontiveros na ipinakikita ng huling panghihimasok ng China sa WPS na pagiging mapangahas ng Tsino, sa aniya’y lantarang paglabag sa umiiral na “international law of the seas.”
Hiling ni Hontiveros sa pamahalaan, pormal na dumulog sa United Nations General Assembly.
“I hope that the Senate can tackle my resolution regarding this as soon as session resumes, as we need the support of the wider international community to stop China’s unbridled aggression,” ayon kay Hontiveros.
Lubhang ikinabahal naman ni Estrada ang insidente ng panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
“This violates our sovereignty and territorial integrity as well as endangers the safety and security of our maritime forces,” aniya.