MATAPOS ang metikulosong pagsusuri, inilabas ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga larawan ng dalawang persons of interest sa pamamaril sa isang photojournalist sa Quezon City kamakailan.
Sa isang pulong-balitaan, iniharap ni QCPD chief Police Brigadier General Nicolas Torre III sa media ang mga larawang halaw sa CCTV footage na nakunan ilang oras bago ang pag-atake.
Ayon kay Torre, mayroon nang “idea” ang pulisya tungkol sa pagkakakilanlan ng mga persons of interest.
“Alam ko nanunuod sila. So I really think it is best for their interest to just surrender. I think they are outside Metro Manila. Yung iba sa kanila outside Metro Manila,” pahayag ni Torre.
Hunyo 29 nang harangin ng mga salarin ang kotseng sinasakyan ni Remate photo-journalist Joshua Abiad at mga kaanak sa tapat ng tinutulutang bahay, hindi kalayuan sa isang himpilan ng pulisya.
Bumaba sa kotse ang isang lalaking nakasuot ng itim na jacket at pinaputukan sila bago tumakas.
Nakita rin ang isang motorcycle rider na nagsisilbing lookout.
Sinabi ng pulisya na anim pang biktima ang nasa loob ng sasakyan, kabilang ang tatlong menor de edad.
Kamakailan, binawian ng buhay ang apat na taong gulang na pamangkin ni Abiad matapos tamaan ng bala sa ulo.
Dahil sa mayroon nang tinututukang persons of interest, tiwala ang QCPD na mareresolba nila ang krimen sa lalong madaling panahon.