
NI ESTONG REYES
HINDI malayong bawasan ng Senado ang panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa pinsalang iniwan ng mga bagyong Kristine at Leon sa mga flood control infrastructures na itinayo ng nasabing ahensya.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, muling bubusiin ng Senado ang lahat ng pondong ilalaan para sa mga flood control project gayundin ang programa ng pamahalaan sa climate change sa sandaling sumipa ang pagdinig sa DPWH proposed budget para sa susunod na taon.
Katunayan aniya, naghahanda na ang mga senador para sa nalalapit na budget deliberation para himayin nang husto ang panukalang pondo para sa flood control ng DPWH.
Bukod sa DPWH, kabilang rin sa target busisiin ng senado ang mga programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may kinalaman sa climate change.
“Kamusta naman ang pag-aaral natin kaugnay ng climate change and climate adaptation, gaano kakapal ba dapat ang ating mga seawall, gaano ba kataas ang ating mga seawall, nagbabago ba iyan sa kada probinsya? Kada ilog? Sa kada dagat na ginagawan natin ng seawall or river control? May ganoong uri ba ng pag-aaral man lang? Hindi ko alam kung ano ang sagot doon. So bahagi ng pagbusisi hindi lamang flood control ng DPWH, pero pati na rin yung programa, kaalaman at research ng DENR,” ani Escudero.
Sa pananalasa ng bagyong Kristine, malawakang pagbaha na naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Bicolandia at Calabarzon kung saan naitala ang pagkasawi ng hindi bababa sa 150 katao.
“May sapat na ba tayong pag-aaral kung ano yung klase ng flood control na ginagawa natin depende sa klase at uri ng ilog o karagatan na sinusubukan natin kontrolin yung tubig?” aniya pa.
Sa proposed budget ng DPWH, nasa P303 bilyon ang panukalang budget para sa flood control.