
HINDI pa man nakakabangon sa pinsalang iniwan ng bagyong Kristine at Leon, isang panibagong tropical depression ang mistulang kumakatok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Administration (PAGASA).
Sa kalatas ng PAGASA, tatawaging ‘Marce’ ang low pressure area na inaasahang papasok sa teritoryo ng Pilipinas ngayong araw.
Batay sa huling weather bulletin ng PAGASA, dakong alas 3:00 ng hapon kahapon, namataan ang tropical depression sa layong 1,350 kilometro silangan ng Eastern Visayas, na may lakas na hanging aabot sa 55 kph at pagbugsong aabot sa 70 kph, habang kumikilos sa direksyon ng hilagang-kanluran sa bilis na 30 kph.
Babala ng ahensya, asahan ang easterlies sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas sa susunod na 24 oras.
Sa pagtataya ng PAGASA, dalawang bagyo pa ang inaasahang tatama ng bansa ngayong buwan ng Nobyembre.
Samantala, nagpatawag na rin ng pulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para paghandaan ang posibleng pananalasa ng panibagong bagyo sa bansa.