MAKARAAN ang walong taon, idiniin ng kontrobersyal na si Kerwin Espinosa si dating Pangulong Rodrigo Duterte na di umano’y nasa likod ng pagpatay sa kanyang ama na si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa habang nakapiit sa Baybay Provincial Jail noong 2016.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, tinanong ni Manila Rep. Bienvenido Abante si Espinosa kung sino ang pinaghihinalaang nagpapatay sa yumaong mayor.
Tugon ni Espinosa — “Kita, tayong mga Pilipino, nakita natin sa TV na ang dating presidente nagsasabi na papatayin niya lahat ng mga narcolist. So pagka-intindi ko, siya talaga ang nag-utos na patayin ang papa ko.”
Hindi naman alintana ni Espinosa ang posibilidad na maapektuhan ang kanyang pagpasok sa pulitika bunsod ng kanyang pagsisiwalat – “Okay lang ‘yon, basta ang sa atin, ang katotohanan lang, at di naman bata ang lahat ng mga Pilipino na naniniwala sa scenario nila.”
Idinawit din ni Espinosa ang noo’y Philippine National Police (PNP) chief Senador Ronald dela Rosa na aniya’y nagbanta sa kanya kung hindi tatalima sa utos na iugnay si dating Sen. Leila de Lima sa kalakalan ng ilegal na droga.
Kabilang rin di umano sa target pasabitin sa kalakalan ng droga ang noo’y Ormoc City Mayor Richard Gomez, negosyanteng si Peter Lim, Lovely Impal, Peter Co, Peter Lim, Ching Veloso at General Loot.
