LUBHANG naalarma ang Department of Health (DOH) matapos lumabas na ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagkalat ng human immunodeficiency virus (HIV) sa talaan ng mga bansa sa buong Asia Pacific.
Pag-amin ng DOH sa ginanap na 16th Plenary Meeting ng Philippine National AIDS Council, nasa 54 kada araw ang naitalang kumpirmadong kaso ng HIV, batay sa datos ng HIV/AIDS and Antiretroviral Therapy Registry of the Philippines.
Taong 2023, nasa 48 HIV cases ang nairekord ng departamento.
Sa antas ng edad, karaniwan anilang tinatamaan ng nakamamatay na karamdaman ang mga edad 25 hanggang 35 anyos.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni DOH Secretary Ted Herbosa ang kahalagahan ng maagang testing at dire-diretsong gamutan para maiwasan ang late-stage disease na siyang kumikitil ng buhay.
Hangad din nitong palakasin pa ang ugnayan ng mga ahensya sa pagpapabuti ng serbisyo kontra HIV, paglaban sa stigma at pagbibigay suporta sa mga indibidwal na may HIV.
